1 Ang taong may unawa ay tumatanggap ng payo,ngunit ayaw mapaalalahanan ang matigas ang ulo.
2 Si Yahweh ay nalulugod sa taong matuwid,ngunit sa masasama siya ay nagagalit.
3 Ang makasalanan ay hindi mapapanatag,ngunit ang matuwid ay hindi matitinag.
4 Ang mabuting babae ay karangalan ng asawa,ngunit kanser sa buto ang masamang asawa.
5 Ang taong matuwid ay mabuting makiharap,ngunit ang masama ay bihira lang magtapat.
6 Pumapatay nang lihim ang mga pangungusap ng masama,ngunit ang salita ng matuwid ay nagliligtas sa kapwa.
7 Ang masama ay lubusang mapaparam at di na magbabalik,ngunit ang sambahayan ng matuwid, mananatiling nakatindig.
8 Ang taong matalino'y magkakamit ng karangalan,ngunit ang aanihin ng masama ay pagkutya lang.
9 Ang maralitang nagsisikap ay mabuting di hamak,kaysa nagkukunwang mayaman ngunit sa gutom nakasadlak.
10 Kahit sa kanyang mga hayop ang matuwid ay mabait,ngunit ang masama kahit kanino ay sadyang mabagsik.
11 Ang taong masipag ay sagana sa lahat,ngunit ang isang hangal, sa yaman ay salat.
12 Ang nais ng masama ay puro kasamaan,ngunit ang tuntungan ng matuwid ay hindi magmamaliw.
13 Ang masama ay nahuhuli sa salita ng kanyang bibig,ngunit ang matuwid ay malayo sa ligalig.
14 Ang kakamtin ng tao ay batay sa gawa o salita,bawat isa ay tatanggap ng karampatang gantimpala.
15 Ang akala ng mangmang ay siya lamang ang tama,ngunit handang tumanggap ng payo ang taong may unawa.
16 Ang pagkainis ng mangmang kaagad nahahalata,ngunit ang mga matatalino, di pansin ang pagkutya.
17 Sa pagsasabi ng tapat, lumilitaw ang katarungan,ngunit ang pagsisinungaling ay lumilikha ng kapahamakan.
18 Ang matalas na pananalita ay sumusugat ng damdamin,ngunit sa magandang pananalita, sakit ng loob ay gumagaling.
19 Ang tapat na labi ay mananatili kailanman,ngunit ang dilang sinungaling ay hindi magtatagal.
20 Ang nagbabalak ng masama ay mag-aani ng kapahamakan,ngunit ang nag-iisip ng mabuti'y magtatamo ng kagalakan.
21 Ang kasamaang-palad ay malayo sa matuwid,ngunit ang buhay ng masama ay puno ng ligalig.
22 Namumuhi si Yahweh sa taong sinungaling,ngunit ang tapat ay ligaya niya at aliw.
23 Hindi agad sinasabi ang alam ng matalino,ngunit kahangalan ay inihahayag ng mangmang na tao.
24 Balang araw ang masikap ang mamamahala,ngunit ang tamad ay mananatiling alila.
25 Nagpapahina sa loob ng isang tao ang kabalisahan,ngunit ang magandang balita'y may dulot na kasiglahan.
26 Ang payo ng kaibigang matuwid ay isang gabay,ngunit ang daan ng masama ay tungo sa pagkaligaw.
27 Hindi makakamit ng tamad ang kanyang hinahangad,ngunit ang masikap ay laging may magandang hinaharap.
28 Ang matuwid na landas ay patungo sa buhay,ngunit ang maling daan ay hahantong sa kamatayan.