1 Ito ang mga payo ni Haring Lemuel ng Massa, mga kawikaang itinuro ng kanyang ina.
2 “Mayroon akong sasabihin sa iyo anak, na tugon sa aking dalangin.
3 Huwag mong uubusin sa babae ang lakas mo at salapi, at baka mapahamak kang tulad ng ibang hari.
4 Lemuel, di dapat sa hari ang uminom ng alak o matapang na inumin.
5 Kadalasan kapag lasing na sila'y nalilimutan na nila ang matuwid at napapabayaan ang karapatan ng mga taong naghihirap.
6 Ang alak ay ibigay mo na lamang sa nawawalan ng pag-asa at sa mga taong dumaranas ng matinding kahirapan.
7 Hayaan silang uminom upang hirap ay malimutan, at kasawia'y di na matandaan.
8 “Ipagtanggol mo ang mga di makalaban, ipaglaban ang kanilang karapatan.
9 Ipahayag mo nang malinaw ang katotohanan at ang katuwiran, at igawad ang katarungan sa api at mahirap.”
10 Mahirap makakita ng mabuting asawa, higit sa mamahaling alahas ang kanyang halaga.
11 Lubos ang tiwala ng kanyang asawa, at saganang pakinabang ang makakamit niya.
12 Pinaglilingkuran niya ang asawa habang sila'y nabubuhay, pawang kabutihan ang ginagawa at di kasamaan.
13 Wala siyang tigil sa paggawa, hindi na halos nagpapahinga, humahabi ng kanyang telang lino at lana.
14 Tulad ng isang barkong puno ng kalakal, siya ay nag-uuwi ng pagkain mula sa malayong lugar.
15 Bago pa sumikat ang araw ay inihahanda na ang pagkain ng buo niyang sambahayan, pati na ang gawain ng mga katulong sa bahay.
16 Mataman niyang tinitingnan ang bukid bago siya magbayad, ang kanyang naiimpok ay ipinagpapatanim ng ubas.
17 Gayunma'y naiingatan ang kamay at katawan upang matupad ang lahat ng kanyang tungkulin araw-araw.
18 Sa kanya'y mahalaga ang bawat ginagawa, hanggang hatinggabi'y makikitang nagtitiyaga.
19 Siya'y gumagawa ng mga sinulid, at humahabi ng sariling damit.
20 Matulungin siya sa mahirap, at sa nangangailanga'y bukás ang palad.
21 Hindi siya nag-aalala dumating man ang tagginaw, pagkat ang sambahayan niya'y may makapal na kasuotan.
22 Gumagawa siya ng makakapal na sapin sa higaan at damit na pinong lino ang sinusuot niya.
23 Ang kanyang asawa'y kilala sa lipunan at nahahanay sa mga pangunahing mamamayan.
24 Gumagawa pa rin siya ng iba pang kasuotan at ipinagbibili sa mga mangangalakal.
25 Marangal at kapita-pitagan ang kanyang kaanyuan at wala siyang pangamba sa bukas na daratal.
26 Ang mga salita niya ay puspos ng karunungan at ang turo niya ay pawang katapatan.
27 Sinusubaybayan niyang mabuti ang kanyang sambahayan at hindi tumitigil sa paggawa araw-araw.
28 Iginagalang siya ng kanyang mga anak at pinupuri ng kanyang kabiyak:
29 “Maraming babae na mabuting asawa, ngunit sa kanila'y nakahihigit ka.”
30 Mandaraya ang pang-akit at kumukupas ang ganda, ngunit ang babaing gumagalang at sumusunod kay Yahweh ay pararangalan.
31 Ibigay sa kanya ang lahat ng parangal, karapat-dapat siya sa papuri ng bayan.