1 Aking anak, sa utang ba ng iba ikaw ay nananagot?
2 Ikaw ba ay nangako, sa utang niya ay nasangkot?
3 Kung gayon ay nasasakop ka ng kanyang pagpapasya,ngunit ito ang gawin mo nang makaiwas sa problema:Ikaw ay magmadali sa kanya ay makiusap,sabihin mong pawalan ka sa napasukan mong bitag.
4 Huwag kang titigil, huwag kang maglulubay,ni huwag kang iidlip, hanggang walang kalayaan.
5 Iligtas ang sarili mo parang usang tumatakas,at tulad niyong ibong sa kulunga'y umaalpas.
6 Tingnan mo ang mga langgam, ikaw na taong ubod ng tamad,pamumuhay niya'y masdan mo at nang ikaw ay mamulat.
7 Kahit sila'y walang pinunong sa kanila'y nag-uutos,walang tagapamahala o tagamasid na sinusunod,
8 ngunit nag-iimbak ng pagkain sa tag-araw,kailanga'y iniipon kung panahon ng anihan.
9 Hanggang kailan, taong tamad mananatili sa higaan,kailan ka babalikwas sa iyong pagkakahimlay?
10 Kaunting tulog, bahagyang idlip, sandaling pahinga at paghalukipkip,
11 samantalang namamahinga ka ang kahirapa'y daratingna parang armadong magnanakaw upang kunin ang lahat ng iyong kailangan.
12 Taong walang kuwenta at taong masama,kasinungalingan, kanyang dala-dala.
13 Ang mata ay ikikindat o kaya'y ipipikit,ikukumpas pa ang kamay upang ikaw ay maakit.
14 Ngunit sa sarili ay may masamang iniisip,ang lagi niyang nais ay manggulo sa paligid.
15 Dahil dito, kapahamakan niya'y biglang darating,sa sugat na tatamuhi'y hindi na nga siya gagaling.
16 Ang kinamumuhian ni Yahweh ay pitong bagay,mga bagay na kanyang kinasusuklaman:
17 kapalaluan, kasinungalingan,at mga pumapatay sa walang kasalanan,
18 pusong sa kapwa'y walang mabuting isipan,mga paang ubod tulin sa landas ng kasamaan,
19 saksing sinungaling, mapaglubid ng buhangin,pag-awayin ang kapwa, laging gusto niyang gawin.
20 Aking anak, utos nga ng ama mo ay sundin,huwag mong tatalikuran, turo ng inang giliw.
21 Sa puso mo ay iukit, at itanim mo sa isip.
22 Pagkat ang aral na ito sa iyo ay patnubay,sa pagtulog mo ay bantay, sa paggawa ay alalay.
23 Pagkat ang utos ay ilaw, ang turo ay tanglaw,at daan ng buhay itong mga saway.
24 Ilalayo ka nito sa babaing masama,sa mapang-akit niyang salita ngunit puno ng daya.
25 Huwag mong nanasain ang ganda niyang taglay,ni huwag paaakit sa tingin niyang mapungay.
26 Babaing masama'y maaangkin sa halaga ng tinapay,ngunit bunga'y kasamaan sa buo mong pamumuhay.
27 Kung ang tao ba'y magkandong ng apoy,kasuotan kaya niya'y di masusunog niyon?
28 Kung ang tao ay tumapak sa uling na nagbabaga,hindi kaya malalapnos itong kanyang mga paa?
29 Ganoon din ang taong sisiping sa asawa ng kapwa,tiyak siyang magdurusa pagkat ito ay masama.
30 Ang sinumang magnakaw ay tiyak na nagkasala,kahit iyon ay pamawi sa gutom na taglay niya.
31 Ang bayad ay makapito kung siya'y mahuli,ang lahat niyang pag-aari ay kulang pang panghalili.
32 Ngunit ang nangangalunya ay isang taong mangmang,sinisira ang sarili, buhay niya at pangalan.
33 Ang tangi niyang mapapala ay pahirap sa sarili,ang kanyang kahihiyan, hindi na niya mababawi.
34 Sapagkat ang panibugho sa tao ay nag-uudyok,ang puri nga ay ibangon, kahit buhay ay malagot.
35 Wala kang itutumbas para kamtin ang patawad,kahit gaano pa kalaki ang sa kanya ay ibayad.