1 Ang papuri'y di angkop sa taong mangmang, parang ulan ng yelo sa tag-araw o panahon ng anihan.
2 Ang sumpang di nararapat ay hindi tatalab, tulad lang ito ng ibong di dumadapo at lilipad-lipad.
3 Ang latigo'y para sa kabayo, ang bokado'y para sa asno, ang pamalo naman ay sa mangmang na tao.
4 Huwag mong papatulan ang isang mangmang at baka lumabas na higit ka pang mangmang.
5 Sagutin mo ang mangmang ayon sa kanyang kahangalan, upang hindi niya isipin na siya'y may katuwiran.
6 Ang magpadala ng balita sa mangmang ay napakadelikado, para mo na ring tinaga ang mga paa mo.
7 Kung ang paang pilay ay walang kabuluhan, ganoon din ang kawikaan sa bibig ng mangmang.
8 Ang isang papuring sa mangmang iniukol ay parang batong nakatali sa balat ng tirador.
9 Ang isang kawikaan sa bibig ng mangmang, ay tulad ng tinik sa kamay ng lasing.
10 Tulad ng isang namamana ng kahit na sino ang isang taong umupa ng mangmang o lasenggo.
11 Ang taong nananatili sa kanyang kahangalan ay tulad ng aso, ang sariling suka ay binabalikan nito.
12 Nakakita na ba kayo ng taong nag-aakalang siya ang pinakamatalino? Mas may pag-asa pa ang mangmang kaysa taong ito.
13 Ano ang idinadahilan ng taong batugan? “May leon sa daan, may leon sa lansangan.”
14 Kung paano lumalapat ang pinto sa hamba, ang batugan naman ay sa kanyang kama.
15 Ang kamay ng tamad ay nadidikit sa pinggan, ni hindi mailapit sa bibig dahil sa katamaran.
16 Ang palagay ng tamad, siya ay mas marunong kaysa pitong taong wasto kung tumugon.
17 Ang nakikisali sa gulo ng may gulo ay tulad ng taong dumadakma sa tainga ng aso.
18-19 Ang taong nandaraya saka sasabihing nagbibiro lang ay tulad ng baliw na naglalaro ng sandatang nakamamatay.
20 Namamatay ang apoy kung ubos na ang kahoy; nahihinto ang away kapag walang nanunulsol.
21 Kung ang baga'y nagdidikit dahil sa pag-ihip, at nagliliyab ang apoy kung maraming gatong, patuloy ang labu-labo kung maraming mapanggulo.
22 Ang tsismis ay tulad ng masarap na pagkain; masarap pakinggan, masarap namnamin.
23 Ang matamis ngunit pakunwaring salita ay parang pintura ng mumurahing banga.
24 Ang tunay na damdamin ng mapagkunwari ay maitatago sa salitang mainam.
25 Matamis pakinggan ngunit huwag paniwalaan sapagkat iyon ay bunga ng kanyang pagkasuklam.
26 Maaaring ang galit niya'y maitago sa magandang paraan ngunit nalalantad din sa mata ng lahat.
27 Ang nag-uumang ng bitag ay siya ring mahuhuli roon. Ang nagpapagulong ng bato ang siyang tatamaan niyon.
28 Ang taong sinungaling ay galit sa kapwa. Ang madayang salita ay nagpapahamak sa iba.