1 Ngayon, isinugo ng Panginoon si Propeta Natan kay David. Pagdating niya kay David, sinabi niya, “May dalawang taong nakatira sa isang bayan. Ang isaʼy mayaman at ang isaʼy mahirap.
2 Ang mayaman ay maraming tupa at baka,
3 pero ang mahirap ay isa lang ang tupa na binili pa niya. Inalagaan niya ito at lumaking kasabay ng mga anak niya. Pinapakain niya ito ng pagkain niya, at pinapainom sa baso niya, at kinakarga-karga pa niya ito. Itinuturing niya itong parang anak niyang babae.
4 Minsan, may dumating na bisita sa bahay ng mayaman, pero ayaw niyang katayin ang baka o tupa niya para ipakain sa bisita niya. Kaya kinuha niya ang tupa ng mahirap at ito ang inihanda niya para sa bisita niya.”
5 Labis na nagalit si David sa mayaman at sinabi niya kay Natan, “Isinusumpa ko sa Panginoon na buhay, na dapat patayin ang taong gumawa niyan.
6 Dapat niyang bayaran ng hanggang apat na beses ang halaga ng isang tupang kanyang kinuha dahil wala siyang awa.”
7 Pagkatapos, sinabi ni Natan kay David, “Ikaw ang taong iyon! Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Pinili kitang hari ng Israel at iniligtas kita kay Saul.
8 Ibinigay ko sa iyo ang kaharian at mga asawa niya. Ginawa kitang hari ng buong Israel at Juda. At kung kulang pa ito, bibigyan pa sana kita nang mas marami pa riyan.
9 Pero bakit hindi mo sinunod ang mga utos ko, at ginawa mo ang masamang bagay na ito sa paningin ko? Ipinapatay mo pa si Uria na Heteo sa labanan; ipinapatay mo siya sa mga Ammonita, at kinuha mo ang asawa niya.
10 Kaya dahil sa ginawa mo, mula ngayon, palagi nang magkakaroon ng labanan at patayan sa pamilya mo, dahil sinuway mo ako at kinuha ang asawa ni Uria upang maging iyong asawa.’
11 “Ito pa ang sinasabi ng Panginoon: May isang miyembro ng sambahayan mo ang maghihimagsik laban sa iyo. Ibibigay ko ang mga asawa mo sa taong iyon na hindi iba sa iyo at sisiping siya sa kanila na kitang-kita ng mga tao.
12 Ginawa mo ito nang lihim pero ang gagawin koʼy makikita nang hayagan ng buong Israel.”
13 Sinabi ni David kay Natan, “Nagkasala ako sa Panginoon.” Sumagot si Natan, “Pinatawad ka na ng Panginoon at hindi ka mamamatay sa kasalanang ginawa mo.
14 Pero dahil sa ginawa mo, binigyan mo ng dahilan ang mga kalaban ng Panginoon na lapastanganin siya kaya siguradong mamamatay ang anak mo.”
15 Nang makauwi na si Natan, ipinahintulot ng Panginoon na magkasakit ng malubha ang anak ni David kay Batsheba.
16 Nakiusap si David sa Dios para sa bata. Nag-ayuno siya sa loob ng kwarto niya, at natutulog siya sa lapag gabi-gabi.
17 Pinuntahan siya ng mga tagapamahala ng kanyang sambahayan para pabangunin, pero ayaw niya, at ayaw din niyang kumaing kasama nila.
18 Nang ikapitong araw, namatay ang bata. Natakot ang mga lingkod ni David na sabihin sa kanya na patay na ang bata. Sinabi nila, “Paano natin sasabihin sa kanya na patay na ang bata? Hindi nga niya pinapansin ang pagdamay natin sa kanya noong buhay pa ang bata, paano pa kaya ngayong patay na ito. Baka kung ano ang gawin niya sa sarili niya!”
19 Napansin ni David na nagbubulungan ang mga alipin niya, kaya pakiramdam niya, patay na ang bata. Nagtanong siya, “Patay na ba ang bata?” Sumagot sila, “Patay na po siya.”
20 Pagkarinig nito, bumangon si David, naligo, nagpahid ng mabangong langis at nagpalit ng damit. Pumunta siya sa bahay ng Panginoon at sumamba. Pagkatapos, umuwi siya, nagpahain, at kumain.
21 Sinabi ng mga lingkod niya, “Hindi po namin kayo maintindihan. Noong buhay pa ang bata, nag-aayuno po kayo at umiiyak, pero ngayong patay na ang bata, bumangon kayo at kumain!”
22 Sumagot si David, “Oo, nag-ayuno ako at umiyak noong buhay pa ang bata dahil iniisip ko na baka kaawaan ako ng Panginoon at hindi niya payagang mamatay ang bata.
23 Pero ngayong patay na ang bata, bakit pa ako mag-aayuno? Mabubuhay ko pa ba siya? Darating ang panahon na makakapunta ako sa kinaroroonan niya, pero hindi na siya makakabalik sa akin.”
24 Dinamayan ni David ang asawa niyang si Batsheba, at nagsiping sila. Nabuntis si Batsheba at nanganak ng isang lalaki, at pinangalanan nila siyang Solomon. Minahal ng Panginoon ang bata,
25 at nagpadala siya ng mensahe kay Propeta Natan na pangalanang Jedidia ang bata dahil mahal siya ng Panginoon.
26 Sa kabilang dako, sumalakay sina Joab sa Rabba, ang kabisera ng Ammon, at malapit na nila itong masakop.
27 Nagsugo si Joab ng mga mensahero kay David para sabihin, “Sinalakay po namin ang Rabba at nasakop na namin ang imbakan nila ng tubig.
28 Ngayon, tipunin nʼyo po ang mga natitirang sundalo at tapusin na ninyo ang pagsakop sa lungsod para kayo ang maparangalan at hindi ako.”
29 Kaya tinipon ni David ang natitirang sundalo at sinalakay nila ang Rabba, at nasakop nila ito.
30 Kinuha ni David sa ulo ng hari ng mga Ammonita ang gintong korona at ipinutong ito sa kanyang ulo. Ang bigat ng korona ay 35 kilo at may mga mamahaling bato. Marami pang bagay ang nasamsam ni David sa lungsod na iyon.
31 Ginawa niyang alipin ang mga naninirahan doon at sapilitan silang pinagtrabaho gamit ang lagare, piko, at palakol, at pinagawa rin sila ng mga tisa. Ito ang ginawa ni David sa mga naninirahan sa lahat ng bayan ng mga Ammonita. Pagkatapos, umuwi si David at ang lahat ng sundalo niya sa Jerusalem.