1 Ang lahat ng lahi ng Israel ay pumunta kay David sa Hebron at sinabi, “Kadugo nʼyo po kami.
2 Mula pa noong una, kahit si Saul pa ang hari namin, kayo na ang namumuno sa mga Israelita sa kanilang mga pakikipaglaban. At sinabi sa inyo ng Panginoon, ‘Ikaw ang gagabay sa mga mamamayan kong Israelita gaya ng paggabay ng isang pastol sa mga tupa niya. Ikaw ang magiging pinuno nila.’ ”
3 Kaya roon sa Hebron, gumawa ng kasunduan si David sa mga tagapamahala ng Israel sa presensya ng Panginoon. At pinahiran nila ng langis ang ulo ni David bilang pagkilala na siya na ang hari ng Israel.
4 Si David ay 30 taong gulang nang maging hari ng Israel, at naghari siya sa loob ng 40 taon.
5 Naghari siya sa Juda sa loob ng pitong taon at anim na buwan habang nakatira siya sa Hebron, at 33 taon ang paghahari niya sa buong Israel at Juda habang nakatira siya sa Jerusalem.
6 Isang araw, pumunta si David at ang mga tauhan niya sa Jerusalem para salakayin ang mga Jebuseo na nakatira roon. Sinabi ng mga Jebuseo kay David, “Hindi kayo makakapasok dito sa Jerusalem! Kahit mga bulag at pilay ay kaya kayong pigilan para hindi kayo makapasok.” Sinabi nila ito dahil iniisip nilang hindi makakapasok sina David.
7 Pero nasakop ni David at ng mga tauhan niya ang matatag na kampo ng Zion, na tinatawag ngayong Lungsod ni David.
8 Nang hindi pa napapasok ni David ang Jerusalem, sinabi niya sa mga tauhan niya, “Doon kayo dumaan sa daanan ng tubig para makapasok kayo sa Jerusalem at talunin nʼyo ang mga ‘bulag at pilay’ na mga Jebuseo. Kinamumuhian ko sila!” Diyan nagsimula ang kasabihang “Hindi makakapasok ang mga bulag at pilay sa bahay ng Panginoon.”
9 Matapos sakupin ni David ang matatag na kampo ng Zion, doon na siya tumira at tinawag niya itong Lungsod ni David. Pinadagdagan niya ito ng pader sa palibot mula sa mababang bahagi ng lungsod.
10 Lalong nagiging makapangyarihan si David dahil tinutulungan siya ng Panginoong Dios na Makapangyarihan.
11 Nagsugo ng mga mensahero si Haring Hiram ng Tyre kay David kasama ng mga karpintero at kantero, at may dala silang mga trosong sedro para maipagpatayo ng palasyo si David.
12 At naunawaan ni David na ang Panginoon ang nagluklok sa kanya bilang hari ng Israel at nagpaunlad ng kaharian niya para sa mga mamamayang Israelita.
13 Nang lumipat siya mula sa Hebron papuntang Jerusalem, marami pa siyang naging asawa; ang iba sa kanilaʼy mga alipin niya, at nadagdagan pa ang mga anak niya.
14 Ito ang mga pangalan ng mga anak niyang lalaki na ipinanganak sa Jerusalem: Shamua, Shobab, Natan, Solomon,
15 Ibhar, Elishua, Nefeg, Jafia,
16 Elishama, Eliada at Elifelet.
17 Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ang piniling hari ng Israel, tinipon nila ang lahat ng sundalo nila para hulihin siya. Pero nabalitaan ito ni David, kaya pumunta siya sa isang matatag na kuta.
18 Dumating ang mga Filisteo at nagkampo sa Lambak ng Refaim.
19 Kaya nagtanong si David sa Panginoon, “Sasalakayin po ba namin ang mga Filisteo? Ipapatalo nʼyo po ba sila sa amin?” Sumagot ang Panginoon, “Oo, lumakad kayo, dahil siguradong ipapatalo ko sila sa inyo.”
20 Kaya nagpunta sina David sa Baal Perazim, at doon natalo nila ang mga Filisteo. Sinabi ni David, “Nilipol ng Panginoon ang mga kalaban ko na parang dinaanan ng rumaragasang baha sa harapan ko.” Kaya tinawag na Baal Perazim ang lugar na iyon.
21 Iniwanan doon ng mga Filisteo ang mga dios-diosan nila, at dinala ito ni David at ng mga tauhan niya.
22 Bumalik ang mga Filisteo at muling nagkampo sa Lambak ng Refaim.
23 Kaya muling nagtanong si David sa Panginoon, at sumagot ang Panginoon, “Huwag nʼyo agad silang salakayin kundi palibutan muna, at saka nʼyo sila salakayin malapit sa puno ng balsamo.
24 Kapag narinig nʼyo na parang may nagmamartsang mga sundalo sa taas na bahagi ng puno ng balsamo, dali-dali kayong sumalakay dahil iyon ang tanda na pinangungunahan ko kayo sa pagsalakay sa mga Filisteo.”
25 Ginawa nga ni David ang iniutos ng Panginoon sa kanya, at pinagpapatay nila ang mga Filisteo mula sa Geba hanggang sa Gezer.