1 Muling tinipon ni David ang pinakamagagaling na sundalo ng Israel at umabot ito sa 30,000.
2 Lumakad sila papuntang Baala na sakop ng Juda para kunin doon ang Kahon ng Dios, kung saan naroon ang presensya ng Panginoong Makapangyarihan. Nakaluklok ang Panginoon sa gitna ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng Kahon.
3-4 Kinuha nina David ang Kahon ng Kasunduan ng Dios na nandoon sa bahay ni Abinadab sa burol at isinakay ito sa bagong kariton. Sina Uza at Ahio na anak ni Abinadab ang umaalalay sa kariton; si Ahio ang nasa unahan.
5 Buong kagalakang nagdiwang si David at ang buong Israel sa presensya ng Panginoon nang buong kalakasan. Umaawit sila at tumutugtog ng mga alpa, lira, tamburin, kastaneta at pompyang.
6 Nang dumating sila sa may giikan ni Nacon, natisod ang mga baka at hinawakan ni Uza ang Kahon ng Kasunduan ng Dios.
7 Nagalit nang matindi ang Panginoon kay Uza dahil sa ginawa niya. Kaya pinatay siya ng Dios doon sa tabi ng Kahon.
8 Nagalit si David dahil biglang pinarusahan ng Panginoon si Uza. Ito ang dahilan kaya hanggang ngayon ang lugar na iyon ay tinatawag na Perez Uza.
9 Nang araw na iyon, natakot si David sa Panginoon at sinabi niya, “Paano madadala sa lungsod ko ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon?”
10 Kaya nagdesisyon siyang huwag na lang dalhin sa lungsod niya ang Kahon ng Panginoon. Iniwan na lang niya ito sa bahay ni Obed Edom na taga-Gat.
11 Nanatili ang Kahon ng Panginoon sa bahay ni Obed Edom sa loob ng tatlong buwan, at pinagpala siya ng Panginoon, maging ang buo niyang sambahayan.
12 Ngayon, nabalitaan ni Haring David na pinagpala ng Panginoon ang sambahayan ni Obed Edom at ang lahat ng pag-aari nito dahil sa Kahon ng Dios. Kaya pumunta siya sa bahay nito at kinuha ang Kahon ng Dios at dinala sa Jerusalem nang may kagalakan.
13 Nang makaanim na hakbang na ang mga nagbubuhat ng Kahon ng Panginoon, pinahinto sila ni David at naghandog siya ng isang toro at isang pinatabang guya.
14 At sumayaw si David nang buong sigla sa presensya ng Panginoon na nakasuot ng espesyal na damit na gawa sa telang linen.
15 Habang dinadala ni David at ng mga Israelita ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, nagsisigawan sila at umiihip ng trumpeta.
16 Nang papasok na ng lungsod ang Kahon ng Panginoon, dumungaw sa bintana si Mical na anak ni Saul. Nakita niyang nagtatatalon at nagsasasayaw si Haring David sa presensya ng Panginoon, at ikinahiya niya ang ginawa nito.
17 Inilagay nila ang Kahon ng Panginoon sa loob ng toldang ipinatayo ni David para rito. Pagkatapos, nag-alay siya sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon.
18 Pagkatapos niyang maghandog, binasbasan niya ang mga tao sa pangalan ng Panginoong Makapangyarihan.
19 Binigyan niya ng tinapay, karne at pasas ang bawat isang Israelita, lalaki man o babae. Pagkatapos, umuwi sila sa kani-kanilang mga bahay.
20 Nang umuwi si David para basbasan ang sambahayan niya, sinalubong siya ni Mical na anak ni Saul at kinutya, “Napakadakila ng araw na ito para sa kagalang-galang na hari ng Israel! Sumasayaw kang halos hubad na, sa harap ng mga babaeng alipin ng mga opisyal mo, hindi ka man lang nahiya!”
21 Sinabi ni David kay Mical, “Ginawa ko iyon sa presensya ng Panginoon na pumili sa akin kapalit ng iyong ama o ng kahit sino pa sa angkan niya. Pinili niya akong mamahala sa mga mamamayan niyang Israelita kaya ipagpapatuloy ko ang pagsasaya sa presensya ng Panginoon.
22 At kahit na nakakahiya pa ang gagawin ko para sa pagdiriwang ng Panginoon, gagawin ko pa rin ito. Kahiya-hiya ako sa paningin mo pero marangal ako sa paningin ng mga babaeng alipin na sinasabi mo.”
23 Dahil dito, hindi nagkaanak si Mical hanggang sa mamatay siya.