1 Pagkatapos, nagkaroon si Absalom ng karwahe at mga kabayo, at nakapagtipon siya ng 50 personal na tagapagbantay.
2 Maaga siyang gumigising araw-araw at tumatayo sa gilid ng daan papunta sa pintuan ng lungsod. Kapag may dumarating na tao para idulog ang kaso niya sa hari, tinatanong siya ni Absalom kung taga-saan, at sinasabi ng tao kung saang lahi siya ng Israel nagmula.
3 Pagkatapos, sinasabi sa kanya ni Absalom, “Malaki ang pag-asa mong manalo sa iyong kaso, kaya lang, walang kinatawan ang hari para duminig ng kaso mo.
4 Kung ako sana ang hukom, makakalapit sa akin ang bawat tao na mayroong reklamo o kaso, at titiyakin kong mabibigyan siya ng hustisya.”
5 At kung may lalapit na tao kay Absalom at yuyukod bilang paggalang, niyayakap niya ito at hinahalikan bilang pagbati.
6 Ganito ang ginagawa ni Absalom sa lahat ng Israelitang pumupunta sa hari para idulog ang kaso nila. Kaya nakuha niya ang tiwala ng mga Israelita.
7 Pagkalipas ng apat na taon, sinabi ni Absalom sa hari, “Payagan nʼyo po akong pumunta sa Hebron para tuparin ang ipinangako ko sa Panginoon.
8 Noong naninirahan pa ako sa Geshur na sakop ng Aram, nangako ako sa Panginoon na kung pababalikin ulit ako ng Panginoon sa Jerusalem, sasamba ako sa kanya sa Hebron.”
9 Sinabi ng hari sa kanya, “Sige, magkaroon ka sana ng matiwasay na paglalakbay.” Kaya pumunta si Absalom sa Hebron.
10 Pero nang dumating si Absalom sa Hebron, lihim siyang nagsugo ng mga mensahero sa buong Israel para sabihin, “Kapag narinig nʼyo ang tunog ng trumpeta, sumigaw kayo, ‘Si Absalom na ang hari ng Israel, at doon siya naghahari sa Hebron!’ ”
11 Isinama ni Absalom ang 200 tao para pumunta sa Hebron. Subalit ang mga taong itoʼy walang alam sa mga plano ni Absalom.
12 Habang naghahandog si Absalom, ipinatawag niya si Ahitofel sa bayan ng Gilo. Taga-Gilo si Ahitofel at isa sa mga tagapayo ni David. Habang tumatagal, lalong dumarami ang mga tagasunod ni Absalom, kaya lumakas nang lumakas ang plano niyang pagrerebelde laban kay David.
13 May isang mensaherong nagsabi kay David na ang mga Israelitaʼy nakipagsabwatan na kay Absalom.
14 Sinabi ni David sa lahat ng kasama niyang opisyal sa Jerusalem, “Dali, kailangan nating makatakas agad. Baka sumalakay si Absalom at maabutan niya tayo at pagpapatayin tayong lahat pati na ang mga nakatira sa Jerusalem. Dalian nʼyo, kung gusto ninyong makaligtas kay Absalom!”
15 Sinabi ng mga opisyal, “Mahal na Hari, handa po kaming gawin ang anumang sabihin nʼyo sa amin.”
16 Kaya lumakad si David kasama ang buong sambahayan niya, pero iniwan niya ang sampu niyang asawang alipin para asikasuhin ang palasyo.
17 Lumakad na si David at ang mga tauhan niya, at huminto sila sa tapat ng kahuli-hulihang bahay ng lungsod,
18 at pinauna ni David ang lahat ng tauhan niya, pati na ang lahat ng personal niyang tagapagbantay na mga Kereteo at Peleteo. Sumunod ang 600 tao na galing sa Gat at sumama kay David.
19 Sinabi ni David kay Itai na pinuno ng mga taga-Gat, “Bakit kayo sumasama sa amin? Bumalik kayo sa Jerusalem, sa bagong hari ninyo na si Absalom. Mga dayuhan lang kayo sa Israel na tumakas mula sa lugar ninyo.
20 Kadarating lang ninyo dito, tapos ngayon sasama kayo sa amin na hindi nga namin alam kung saan kami pupunta? Bumalik na kayo kasama ng mga kababayan nʼyo, at ipakita sana sa inyo ng Panginoon ang pagmamahal niya at katapatan.”
21 Pero sumagot si Itai sa hari, “Sumusumpa po ako sa Panginoon na buhay at sa inyo, Mahal na Hari, sasama po kami sa inyo kahit saan kayo pumunta, kahit na kamatayan pa ang kahihinatnan namin.”
22 Sinabi ni David sa kanya, “Kung ganoon, sige, sumama kayo sa amin.” Kaya lumakad si Itai at ang lahat ng tauhan niya, at ang pamilya niya.
23 Humagulgol ang mga tao sa Jerusalem habang dumadaan ang mga tauhan ni David. Tumawid si David sa Lambak ng Kidron kasama ang kanyang mga tauhan patungo sa disyerto.
24 Nandoon ang mga paring sina Zadok at Abiatar, at ang mga Levita na buhat ang Kahon ng Kasunduan ng Dios. Inilagay nila ang Kahon ng Kasunduan sa tabi ng daan at naghandog si Abiatar hanggang sa makaalis ang lahat ng tauhan ni David sa lungsod.
25 Pagkatapos, sinabi ni David kay Zadok, “Ibalik ang Kahon ng Dios sa Jerusalem. Kung nalulugod sa akin ang Panginoon, pababalikin niya ako sa Jerusalem at makikita ko itong muli at ang lugar na kinalalagyan nito.
26 Pero kung hindi, handa ako kung anuman ang gusto niyang gawin sa akin.”
27 Sinabi pa ni David kay Zadok, “Matiwasay kayong bumalik ni Abiatar sa Jerusalem kasama ang anak mong si Ahimaaz at ang anak ni Abiatar na si Jonatan, at magmanman kayo roon.
28 Maghihintay ako sa tawiran ng ilog sa disyerto hanggang sa makatanggap ako ng balita galing sa inyo.”
29 Kaya ibinalik nina Zadok at Abiatar ang Kahon ng Dios sa Jerusalem, at nanatili sila roon.
30 Umiiyak na umakyat si David sa Bundok ng Olibo. Nakapaa lang siya at tinakpan niya ang ulo niya bilang pagdadalamhati. Nakatakip din ng ulo ang mga kasama niya at umiiyak habang umaakyat.
31 May nagsabi kay David na si Ahitofel ay sumama na kay Absalom. Kaya nanalangin si David, “Panginoon, gawin po ninyong walang kabuluhan ang mga payo ni Ahitofel.”
32 Nang makarating sina David sa ibabaw ng Bundok ng Olibo, kung saan sinasamba ang Dios, sinalubong siya ni Hushai na Arkeo. Punit ang damit niya at may alikabok ang kanyang ulo bilang pagdadalamhati.
33 Sinabi ni David sa kanya, “Wala kang maitutulong kung sasama ka sa akin.
34 Pero kung babalik ka sa lungsod at sasabihin mo kay Absalom na pagsisilbihan mo siya gaya ng pagsisilbing ginawa mo sa akin, matutulungan mo pa ako sa pamamagitan ng pagsalungat sa bawat payong ibibigay ni Ahitofel.
35 Naroon din sina Zadok at Abiatar na mga pari. Sabihin mo sa kanila ang lahat ng maririnig mo sa palasyo ng hari.
36 Pagkatapos, papuntahin mo sa akin ang mga anak nilang sina Ahimaaz at Jonatan para ibalita sa akin ang mga narinig nila.”
37 Kaya bumalik sa Jerusalem si Hushai na kaibigan ni David. Nagkataon naman na papasok noon ng lungsod si Absalom.