1 Noong panahon ng paghahari ni David, nagkaroon ng taggutom sa loob ng tatlong taon. Kaya nanalangin si David sa Panginoon. Sinabi ng Panginoon, “Dumating ang taggutom dahil pinatay ni Saul at ng pamilya niya ang mga Gibeonita.”
2 Ang mga Gibeonita ay hindi mula sa lahi ng Israelita kundi sa natitirang buhay na mga Amoreo. Nangako ang mga Israelita na hindi nila sila papatayin pero tinangka silang lipulin ni Saul dahil sa matindi niyang pag-alala sa Israel at Juda.Ipinatawag ni David ang mga Gibeonita,
3 at tinanong, “Ano ang maaari kong gawin sa inyo para mabayaran ang kasalanang ginawa ni Saul sa inyo, at para pagpalain ninyo ang mamamayan ng Panginoon?”
4 Sumagot ang mga Gibeonita, “Hindi po mababayaran ng pilak o ginto ang galit namin kay Saul at sa pamilya niya. At ayaw din naming pumatay ng sinumang Israelita bilang paghihiganti maliban na lang kung ipahintulot nʼyo ito.” Nagtanong si David, “Kung ganoon, ano ang gusto nʼyong gawin ko para sa inyo?”
5 Sumagot sila, “Tinangka po kaming patayin ni Saul para walang matira sa amin sa Israel.
6 Kaya ibigay nʼyo sa amin ang pitong lalaki na mula sa angkan niya, dahil papatayin namin sila at pababayaan ang kanilang bangkay sa lugar na malapit sa lugar kung saan sumasamba sa Panginoon doon sa Gibea, bayan ito ni Saul na haring pinili ng Panginoon.” Sinabi ng hari, “Sige, ibibigay ko sila sa inyo.”
7 Hindi ibinigay ni David sa kanila si Mefiboset na anak ni Jonatan at apo ni Saul, dahil sa sumpaan nila ni Jonatan sa presensya ng Panginoon.
8 Ang ibinigay ni David ay ang dalawang anak ni Saul na sina Armoni at Mefiboset. Ang ina nila ay si Rizpa na anak ni Aya. Ibinigay din ni David ang limang anak na lalaki ni Merab. Anak ni Saul si Merab at asawa ni Adriel na anak ni Barzilai na taga-Mehola.
9 Ibinigay sila ni David sa mga Gibeonita, at pinagpapatay silang pito roon sa burol na malapit sa lugar kung saan sumasamba sa Panginoon. At pinabayaan lang nila roon ang mga bangkay. Nangyari ito noong nagsisimula pa lang ang anihan ng sebada.
10 Si Rizpa na anak ni Aya ay kumuha ng sako at inilatag ito sa isang malaking bato para gawin niyang higaan. Binantayan niya ang mga bangkay upang hindi kainin ng mga ibon kapag araw at para hindi kainin ng mababangis na hayop kapag gabi. Nanatili siya roon simula nang mag-umpisa ang anihan hanggang sa magtag-ulan.
11 Nang malaman ni David ang ginawa ni Rizpa na asawa ni Saul,
12 nagpunta siya sa mga naninirahan sa Jabes Gilead at hiningi ang mga buto ni Saul at ng anak nitong si Jonatan. (Nang mapatay sina Saul at Jonatan sa pakikipaglaban nila sa mga Filisteo sa Gilboa, ibinitin ng mga Filisteo ang mga bangkay nila sa plasa ng Bet Shan, at lihim na kinuha ng mga taga-Jabes Gilead ang mga bangkay nila.)
13 Dinala ni David ang mga buto nina Saul at Jonatan, pati na rin ang mga buto ng pitong pinagpapatay ng mga Gibeonita.
14 Ipinalibing niya ito sa mga tauhan niya sa pinaglibingan ng ama ni Saul na si Kish, sa bayan ng Zela sa Benjamin. Natupad ang lahat ng iniutos ni David. Pagkatapos nito, sinagot ng Panginoon ang mga panalangin nila na huminto ang taggutom sa kanilang bansa.
15 Dumating ang panahon na muling naglaban ang mga Filisteo at mga Israelita. At nang nakikipaglaban na si David at ang mga tauhan niya, napagod siya.
16 Si Ishbi Benob na Filisteo na mula sa angkan ng mga Rafa, ay nagtangkang patayin si David. Tanso ang dulo ng sibat niya na tumitimbang ng mga apat na kilo, at may nakasukbit pa siyang bagong espada.
17 Pero dumating si Abishai na anak ni Zeruya para iligtas si David, at pinatay niya ang Filisteo. Pagkatapos nito, sinabi ng mga tauhan ni David sa kanya, “Hindi na po kami papayag na muli kayong sumama sa amin sa labanan. Tulad kayo ng ilaw sa Israel at ayaw naming mawala kayo.”
18 Nang sumunod na mga panahon, muling naglaban ang mga Filisteo at mga Israelita sa Gob. Sa labanang ito, pinatay ni Sibecai na taga-Husha si Saf, na isa sa mga angkan ng Rafa.
19 At sa isa pa nilang labanan sa Gob, pinatay ni Elhanan na anak ni Jaare Origem, na taga-Betlehem, si Goliat na taga-Gat. Ang sibat ni Goliat ay mabigat at makapal.
20 Muli pang naglaban ang mga Filisteo at mga Israelita, nangyari ito sa Gat. Sa labanang ito, may isang tao na sobrang laki, may tig-aanim na daliri sa mga kamay at paa niya. Isa rin siya sa mga angkan ng mga Rafa.
21 Nang kutyain niya ang mga Israelita, pinatay siya ni Jonatan na anak ng kapatid ni David na si Shimea.
22 Ang apat na Filisteong ito ay mula sa angkan ng Rafa na taga-Gat. Pinatay sila ni David at ng mga tauhan niya.