1 Kinalaunan, natalo at nasakop ni David ang mga Filisteo. Inagaw niya mula sa kanila ang Meteg Amma.
2 Natalo rin ni David ang mga Moabita. Nakahanay na pinahiga niya ang mga ito sa lupa, at sinukat niya ang mga ito sa pamamagitan ng isang lubid. Ang mga napabilang sa sukat na dalawang lubid ay pinagpapatay, at ang mga napabilang naman sa sukat ng pangatlong lubid ay hinayaang mabuhay. Ang mga Moabitang hinayaang mabuhay ay nagpasakop kay David at nagbayad sa kanya ng buwis.
3 Nakipaglaban din si David kay Haring Hadadezer ng Zoba, na anak ni Rehob, habang papunta si Hadadezer sa lupaing malapit sa Ilog ng Eufrates para bawiin ito.
4 Naagaw nila David ang 1,000 niyang karwahe, 7,000 mangangarwahe, at 20,000 sundalo. Pinilayan nila David ang mga kabayo na humihila ng mga karwahe, maliban lang sa 100 kabayo na itinira nila para gamitin.
5 Nang dumating ang mga Arameo mula sa Damascus para tulungan si Hadadezer, pinatay nila David ang 22,000 sa mga ito.
6 Nagpatayo agad si David ng mga kampo sa Damascus, ang lugar ng mga Arameo. At naging sakop niya ang mga ito, at nagbayad sila ng buwis sa kanya. Pinagtagumpay ng Panginoon si David sa bawat labanang pupuntahan niya.
7 Kinuha ni David ang mga gintong kalasag na pag-aari ng mga opisyal ni Hadadezer, at dinala ang mga ito sa Jerusalem.
8 Kinuha rin niya ang napakaraming tanso sa Beta at Berotai, mga bayang sakop ni Hadadezer.
9 Nabalitaan ni Haring Tou ng Hamat na tinalo ni David ang buong sundalo ni Hadadezer.
10 Kaya pinapunta niya ang anak niyang si Joram kay Haring David para kamustahin at batiin sa pagkakapanalo niya kay Hadadezer. (Noon pa man ay magkalaban na sina Tou at Hadadezer.) Nagdala si Joram ng mga regalong gawa sa pilak, ginto at tanso.
11 Inihandog ito ni Haring David sa Panginoon, gaya ng ginawa niya sa mga pilak at ginto na nasamsam niya mula lahat ng bansang tinalo niya –
12 ang Edom, Moab, Ammon, Filistia at Amalek. Inihandog din niya ang mga nasamsam nila mula kay Haring Hadadezer ng Zoba, na anak ni Rehob.
13 Naging tanyag pa si David nang mapatay niya ang 18,000 Edomita sa lambak na tinatawag na Asin.
14 Naglagay siya ng mga kampo sa buong Edom, at sinakop niya ang mga Edomita. Pinagtagumpay ng Panginoon si David sa bawat labanang pinupuntahan niya.
15 Naghari si David sa buong Israel. Ginawa niya ang matuwid at tama para sa lahat ng mamamayan niya.
16 Si Joab na anak ni Zeruya ang namumuno sa mga sundalo niya. Si Jehoshafat naman na anak ni Ahilud ang namamahala sa mga kasulatan ng kaharian.
17 Sina Zadok na anak ni Ahitub at Ahimelec na anak ni Abiatar ang mga punong pari. Si Seraya ang kalihim.
18 Si Benaya na anak ni Jehoyada ang namumuno sa mga Kereteo at Peleteo na mga personal niyang tagapagbantay. At ang mga anak niyang lalaki ang mga tagapayo niya.