1 May nagsabi kay Joab na umiiyak ang hari at nagluluksa dahil kay Absalom.
2 Nang marinig ito ng mga sundalo, natigil ang kasayahan ng kanilang tagumpay at napalitan ito ng pagluluksa.
3 Tahimik silang bumalik sa lungsod ng Mahanaim, gaya ng mga sundalong nahihiya dahil tumakas mula sa labanan.
4 Tinakpan ni David ang mukha niya at umiyak nang labis, “O Absalom, anak ko, anak ko!”
5 Pumunta si Joab sa bahay ng hari at sinabi, “Ipinahiya nʼyo ngayon ang mga tauhan ninyong nagligtas sa buhay nʼyo at sa buhay ng mga anak at asawa ninyo.
6 Minamahal nʼyo ang mga napopoot sa inyo, at kinapopootan ang mga nagmamahal sa inyo. Malinaw po na hindi nʼyo pinapahalagahan ang mga opisyal at tauhan ninyo. Sa tingin ko, mas masisiyahan pa kayo kung namatay kaming lahat at nabuhay si Absalom.
7 Lumabas po kayo ngayon at pasalamatan ang mga tauhan ninyo. Dahil kung hindi, isinusumpa ko sa Panginoon na wala ni isa sa kanilang maiiwan na kasama nʼyo ngayong gabi. Ito ang pinakamasamang mangyayari sa inyo mula noon hanggang ngayon.”
8 Kaya tumayo si David at umupo sa may pintuan ng lungsod. Nang malaman ito ng mga tao, nagtipon silang lahat sa kanya.Samantala, tumakas pauwi ang mga sundalo ng Israel na mga tauhan ni Absalom.
9 Nagtalo-talo ang mga tao sa buong Israel. Sinabi nila, “Iniligtas tayo ni Haring David sa kamay ng mga Filisteo, pero tumakas siya sa bayan natin dahil kay Absalom.
10 Pinili nating maging hari si Absalom, pero napatay naman siya sa labanan. Bakit hindi tayo humanap ng paraan para mapabalik natin si David bilang hari?”
11-12 Nang mabalitaan ni Haring David ang pinag-usapan nila, nagpadala siya ng mensahe sa mga paring sina Zadok at Abiatar, na sinasabi, “Sabihin nʼyo ito sa mga tagapamahala ng Juda: ‘Nabalitaan kong gusto ng inyong mga mamamayan na ibalik ako bilang hari, at kayo pa ang huling nagpasya na pabalikin ako sa aking trono? Hindi baʼt mga kamag-anak at kalahi ko kayo?’
13 At sabihin nʼyo rin ito kay Amasa, ‘Dahil kalahi kita, gagawin kitang kumander ng mga sundalo ko kapalit ni Joab. Kung hindi ko ito gagawin, parusahan sana ako nang matindi ng Dios.’ ”
14 Napapayag ni David ang mga taga-Juda at nagkaisa sila sa kanilang desisyon. At ipinasabi nila kay David, “Bumalik po kayo rito at ang lahat ng tauhan ninyo.”
15 Habang pabalik si David, sinalubong siya ng mga mamamayan ng Juda roon sa Ilog ng Jordan. Ang mga taong itoʼy nagtipon sa Gilgal para samahan siya sa pagtawid sa ilog.
16 Nagmamadaling sumama sa pagsalubong kay David si Shimei na anak ni Gera, isang Benjaminita galing Bahurim.
17 May kasama siyang 1,000 Benjaminita, kasama na rito si Ziba na katiwala ng sambahayan ni Saul, at ang 15 nitong anak na lalaki at 20 utusan. Nagmamadali nilang sinalubong si David sa Ilog ng Jordan.
18 Tinulungan nilang lahat si David at ang sambahayan niya sa pagtawid ng ilog, at sinunod nila ang anumang gustuhin ni David.Nang patawid pa lang ng Ilog ng Jordan si David, nagpatirapa si Shimei sa harapan niya bilang paggalang,
19 at sinabi, “Mahal na Hari, patawarin nʼyo po ako. Kalimutan nʼyo na po sana ang masamang ginawa ko sa inyo noong umalis kayo sa Jerusalem.
20 Inaamin ko po na nagkasala ako, Mahal na Hari. Kaya nga nauna akong dumating dito kaysa sa ibang mga lahi sa hilaga para salubungin kayo.”
21 Pagkatapos, sinabi ni Abishai na anak ni Zeruya, “Hindi baʼt dapat patayin si Shimei dahil isinumpa niya ang piniling hari ng Panginoon?”
22 Pero sinabi ni David, “Kayong mga anak ni Zeruya, ano ang pakialam nʼyo? Huwag na ninyong salungatin ang desisyon ko. Ako na ngayon ang hari ng Israel, at walang taong papatayin sa Israel sa araw na ito.”
23 Kaya sinabi ni David kay Shimei, “Isinusumpa ko na hindi ka papatayin.”
24-25 Pumunta rin doon si Mefiboset na apo ni Saul para salubungin si David. Galing siya sa Jerusalem. Hindi pa siya nakakapaghugas ng paa, nakakapag-ahit ng balbas, at nakakapagpalit ng damit niya mula nang umalis si David sa Jerusalem hanggang sa matagumpay na nakabalik ito. Nang makarating siya roon, tinanong siya ni David, “Mefiboset, bakit hindi ka sumama sa akin?”
26 Sumagot siya, “Mahal na Hari, alam ninyong lumpo ako. Sinabihan ko ang utusan kong si Ziba na ihanda ang asno para makasakay ako at makasama sa inyo pero nagtraydor siya sa akin.
27 At siniraan niya po ako sa inyo na hindi ako sasama. Pero nalalaman nʼyo ang totoo dahil katulad kayo ng anghel ng Dios, kaya gawin nʼyo kung ano sa tingin nʼyo ang mabuti.
28 Dapat ay papatayin nʼyo na ang buong angkan ng lolo ko pero binigyan nʼyo ako ng karapatang kumain kasama ninyo. Kaya wala na po akong karapatan pang humingi sa inyo ng pabor.”
29 Sinabi ni David sa kanya, “Huwag na nating pag-usapan ito. Nakapagdesisyon na akong paghatian nʼyo ni Ziba ang lupain ni Saul.”
30 Sinabi ni Mefiboset sa hari, “Ibigay nʼyo na lang po sa kanya lahat. Kontento na akong nakauwi kayo nang ligtas.”
31 Pumunta rin kay David si Barzilai na taga-Gilead galing sa Rogelim. Gusto rin niyang tumulong kina Haring David sa pagtawid sa Ilog ng Jordan.
32 Matanda na si Barzilai; 80 taong gulang na siya. Mayaman siya at siya ang nagbibigay ng mga kailangan ni David noong doon pa ito nakatira sa Mahanaim.
33 Sinabi sa kanya ni David, “Sumama kang tumawid sa akin at manirahan ka na rin sa Jerusalem. Ako ang bahala sa iyo roon.”
34 Pero sumagot si Barzilai, “Hindi na po magtatagal ang buhay ko, bakit pa ako sasama sa inyo sa Jerusalem?
35 Ako po ay 80 taong gulang na, at hindi ko na malaman ang ipinagkaiba ng masarap at hindi masarap. Hindi ko na malasahan ang kinakain at iniinom ko. Hindi ko na marinig ang mga umaawit. Magiging pabigat lang ako sa inyo, Mahal na Hari.
36 Maliit na bagay lang po ang paghahatid ko sa inyo sa Jordan, bakit kailangan nʼyo pa akong gantihan ng ganitong gantimpala?
37 Uuwi na lang ako, para kapag namatay ako, doon ako mamamatay sa sarili kong bayan, kung saan inilibing ang mga magulang ko. Narito ang anak kong si Kimham na magsisilbi sa inyo. Isama nʼyo siya, Mahal na Hari at gawin nʼyo kung ano sa tingin ninyo ang makakabuti sa kanya.”
38 Sumagot ang hari, “Isasama ko siya at gagawin sa kanya ang anumang kabutihang gagawin ko sana sa iyo, at gagawin ko ang anumang hilingin mo sa akin.”
39 Niyakap ni David si Barzilai at binasbasan. Pagkatapos, tumawid si David at ang mga tauhan niya sa Ilog ng Jordan, at umuwi si Barzilai sa bahay niya.
40 Nang makatawid na si David, pumunta siya sa Gilgal kasama si Kimham at ang buong hukbo ng Juda at kalahati ng hukbo ng Israel.
41 Nagpunta ang buong hukbo ng Israel sa hari at nagreklamo kung bakit ang mga kadugo nilang taga-Juda ang nanguna sa pagpapatawid sa kanya at sa sambahayan niya, at sa lahat ng tauhan niya.
42 Sumagot ang mga taga-Juda sa mga sundalo ng Israel, “Ginawa namin ito dahil ang hari ay malapit naming kamag-anak. Bakit kayo nagagalit? Nakatanggap ba kami ng pagkain o anumang regalo galing sa kanya? Hindi!”
43 Sumagot ang mga taga-Israel, “Sampu kaming lahi ng Israel kaya sampung beses ang karapatan namin sa hari kaysa sa inyo. Bakit ang baba ng tingin nʼyo sa amin? Hindi baʼt kami ang unang nagsabi na pabalikin natin ang ating hari?” Pero ayaw magpaawat ng mga taga-Juda, at masasakit na salita ang isinasagot nila sa mga taga-Israel.