1 Kalalampas pa lang nang kaunti ni David sa ibabaw ng bundok nang salubungin siya ni Ziba na katiwala ni Mefiboset. May dalawa itong asno na may kargang 200 tinapay, 100 kumpol ng ubas, 100 piraso ng hinog na prutas, at katas ng ubas na nakalagay sa balat na sisidlan.
2 Tinanong ni David si Ziba, “Bakit nagdala ka ng mga iyan?” Sumagot si Ziba, “Ang mga asno po ay para sakyan ng sambahayan nʼyo, ang mga tinapay naman at prutas ay para kainin nʼyo at ng mga kasama ninyo, at ang katas ng ubas ay para naman inumin nʼyo kapag napagod kayo sa disyerto.”
3 Nagtanong si David, “Nasaan na si Mefiboset, ang apo ng amo mong si Saul?” Sumagot si Ziba, “Nagpaiwan po siya sa Jerusalem, dahil iniisip niyang gagawin siyang hari ngayon ng mga Israelita sa kaharian ng lolo niyang si Saul.”
4 Sinabi ni David, “Kung ganoon, ibinibigay ko na sa iyo ngayon ang lahat ng ari-arian ni Mefiboset.” Sinabi ni Ziba, “Mahal na Hari, handa po akong sumunod sa inyo. Malugod sana kayo sa akin.”
5 Nang papalapit na si Haring David sa Bahurim, may taong lumabas sa bayang iyon at isinumpa si David. Ang taong ito ay si Shimei na anak ni Gera at kamag-anak ni Saul.
6 Binato niya si David at ang mga opisyal nito kahit na napapaligiran si David ng mga tauhan at mga personal niyang tagapagbantay.
7 Ito ang sinabi niya kay David: “Huwag kang papasok sa bayan namin, mamamatay-tao at masamang tao ka!