15 Samantala, dumating sa Jerusalem sina Absalom, Ahitofel at ang iba pang mga Israelita.
16 Dumating din doon si Hushai na Arkeo, na kaibigan ni David. Pumunta siya kay Absalom at sinabi, “Mabuhay ang hari! Mabuhay ang hari!”
17 Tinanong ni Absalom si Hushai, “Nasaan na ang katapatan mo sa kaibigan mo na si David? Bakit hindi ka sumama sa kanya?”
18 Sumagot si Hushai, “Hindi! Sa inyo po ako sasama dahil kayo ang pinili ng Panginoon at ng buong mamamayan ng Israel na maging hari.
19 Bukod pa riyan, sino pa ba ang pagsisilbihan ko, kundi kayo na anak ni David. Naglingkod ako noon sa ama nʼyo, ngayon, kayo naman ang paglilingkuran ko.”
20 Sinabi ni Absalom kay Ahitofel, “Ngayon, ano ang maipapayo mong gawin natin?”
21 Sumagot si Ahitofel, “Sipingan nʼyo ang mga asawang alipin ng inyong ama na kanyang iniwan para asikasuhin ang palasyo. At malalaman ng buong Israel na ginalit nʼyo nang labis ang inyong ama at lalakas pa lalo ang suporta ng mga tauhan nʼyo sa inyo.”