5 Nag-utos si Haring David kina Joab, Abishai at Itai, “Alang-alang sa akin, huwag nʼyong sasaktan ang binatang si Absalom.” Narinig ng lahat ng grupo ang utos na ito ni David sa mga kumander ng mga sundalo niya.
6 Lumakad na ang mga sundalo ni David para makipaglaban sa mga sundalo ng Israel, at sa kagubatan ng Efraim sila naglaban.
7 Natalo ng mga sundalo ni David ang mga Israelita. Maraming namatay nang araw na iyon – 20,000 tao.
8 Lumaganap ang labanan sa buong kagubatan, at mas maraming namatay sa panganib sa kagubatan kaysa sa mga namatay sa espada.
9 Sa panahon ng labanan, nasalubong ni Absalom ang mga tauhan ni David, at tumakas siya sakay ng mola niya. At habang nagpapasuot-suot siya sa ilalim ng malalagong sanga ng malaking puno ng ensina, sumabit ang ulo niya sa sanga. Dumiretso ng takbo ang mola at naiwan siyang nakabitin sa puno.
10 Nang makita ito ng isang tauhan ni David, pinuntahan niya si Joab at sinabi, “Nakita ko si Absalom na nakabitin sa puno ng ensina.”
11 Sinabi sa kanya ni Joab, “Ano? Nakita mo siya? Bakit hindi mo siya pinatay? Binigyan sana kita ng gantimpalang sampung pirasong pilak at espesyal na sinturon para sa isang opisyal.”