3 at tinanong, “Ano ang maaari kong gawin sa inyo para mabayaran ang kasalanang ginawa ni Saul sa inyo, at para pagpalain ninyo ang mamamayan ng Panginoon?”
4 Sumagot ang mga Gibeonita, “Hindi po mababayaran ng pilak o ginto ang galit namin kay Saul at sa pamilya niya. At ayaw din naming pumatay ng sinumang Israelita bilang paghihiganti maliban na lang kung ipahintulot nʼyo ito.” Nagtanong si David, “Kung ganoon, ano ang gusto nʼyong gawin ko para sa inyo?”
5 Sumagot sila, “Tinangka po kaming patayin ni Saul para walang matira sa amin sa Israel.
6 Kaya ibigay nʼyo sa amin ang pitong lalaki na mula sa angkan niya, dahil papatayin namin sila at pababayaan ang kanilang bangkay sa lugar na malapit sa lugar kung saan sumasamba sa Panginoon doon sa Gibea, bayan ito ni Saul na haring pinili ng Panginoon.” Sinabi ng hari, “Sige, ibibigay ko sila sa inyo.”
7 Hindi ibinigay ni David sa kanila si Mefiboset na anak ni Jonatan at apo ni Saul, dahil sa sumpaan nila ni Jonatan sa presensya ng Panginoon.
8 Ang ibinigay ni David ay ang dalawang anak ni Saul na sina Armoni at Mefiboset. Ang ina nila ay si Rizpa na anak ni Aya. Ibinigay din ni David ang limang anak na lalaki ni Merab. Anak ni Saul si Merab at asawa ni Adriel na anak ni Barzilai na taga-Mehola.
9 Ibinigay sila ni David sa mga Gibeonita, at pinagpapatay silang pito roon sa burol na malapit sa lugar kung saan sumasamba sa Panginoon. At pinabayaan lang nila roon ang mga bangkay. Nangyari ito noong nagsisimula pa lang ang anihan ng sebada.