4 Si Adonia ang pang-apat, na anak niya kay Hagit. Si Shefatia ang panglima, na anak niya kay Abital.
5 Si Itream ang pang-anim, na anak niya kay Egla. Sila ang mga anak ni David na isinilang sa Hebron.
6 Habang patuloy ang labanan sa pagitan ng mga tauhan ni Saul at ni David, naging makapangyarihang pinuno si Abner sa mga tauhan ni Saul.
7 Isang araw, inakusahan ni Ishboshet si Abner, “Bakit mo sinipingan ang isa sa mga asawa ng ama kong si Saul?” Ang tinutukoy ni Ishboshet ay si Rizpa na anak ni Aya.
8 Nagalit si Abner sa sinabi ni Ishboshet, kaya sumagot siya, “Iniisip mo bang pinagtaksilan ko ang iyong ama, at kumakampi ako sa Juda? Mula pa noon, matapat na ako sa iyong ama, sa pamilya niya at mga kaibigan, at hindi kita ibinigay kay David. Pero ngayon, inaakusahan mo akong nagkasala dahil sa isang babae!
9 Kung ganyan din lang, mabuti pang tulungan ko na lang si David na matupad ang ipinangako ng Panginoon sa kanya, at parusahan sana ako nang matindi ng Dios kapag hindi ko siya tinulungan.
10 Ipinangako ng Panginoon na hindi na niya paghahariin ang sinumang kalahi ni Saul kundi si David ang paghahariin niya sa Israel at Juda, mula Dan hanggang sa Beersheba.”