1 Ang lahat ng lahi ng Israel ay pumunta kay David sa Hebron at sinabi, “Kadugo nʼyo po kami.
2 Mula pa noong una, kahit si Saul pa ang hari namin, kayo na ang namumuno sa mga Israelita sa kanilang mga pakikipaglaban. At sinabi sa inyo ng Panginoon, ‘Ikaw ang gagabay sa mga mamamayan kong Israelita gaya ng paggabay ng isang pastol sa mga tupa niya. Ikaw ang magiging pinuno nila.’ ”
3 Kaya roon sa Hebron, gumawa ng kasunduan si David sa mga tagapamahala ng Israel sa presensya ng Panginoon. At pinahiran nila ng langis ang ulo ni David bilang pagkilala na siya na ang hari ng Israel.
4 Si David ay 30 taong gulang nang maging hari ng Israel, at naghari siya sa loob ng 40 taon.
5 Naghari siya sa Juda sa loob ng pitong taon at anim na buwan habang nakatira siya sa Hebron, at 33 taon ang paghahari niya sa buong Israel at Juda habang nakatira siya sa Jerusalem.
6 Isang araw, pumunta si David at ang mga tauhan niya sa Jerusalem para salakayin ang mga Jebuseo na nakatira roon. Sinabi ng mga Jebuseo kay David, “Hindi kayo makakapasok dito sa Jerusalem! Kahit mga bulag at pilay ay kaya kayong pigilan para hindi kayo makapasok.” Sinabi nila ito dahil iniisip nilang hindi makakapasok sina David.