1 Mula sa Egipto, pumunta si Abram sa Negev kasama ang asawa niya at dala ang lahat ng ari-arian niya, at sumama rin sa kanila si Lot.
2 Napakayaman na ni Abram, marami na siyang hayop, pilak at ginto.
3 Mula sa Negev, nagpalipat-lipat sila hanggang makabalik sila sa lugar na dati nilang pinagtayuan ng tolda. Ang lugar na ito ay nasa gitna ng Betel at Ai.
4 Dito rin sila unang nagtayo ng altar nang dumating sila sa Canaan. At muling sumamba si Abram sa Panginoon.
5 Si Lot na laging kasama ni Abram saan man siya pumunta ay may sarili ring mga hayop at mga tolda.
6 At dahil marami na ang mga hayop nila at iba pang mga ari-arian, hindi sila maaaring manirahan sa iisang lugar. Ang pastulan ay hindi magkakasya sa kanila.
7 Dahil dito, nag-away-away ang mga tagapagbantay ng mga hayop nila. (Nang panahong iyon, ang mga Cananeo at mga Perezeo ay nakatira sa lupaing iyon.)
8 Kaya sinabi ni Abram kay Lot, “Tayo at ang mga tauhan natin ay hindi dapat mag-away, dahil magkakamag-anak tayo.
9 Ang mabuti pa, maghiwalay na lang tayo dahil marami pang lugar na maaaring lipatan. Ikaw ang mamili kung aling bahagi ng lupain ang pipiliin mo. Kung kakaliwa ka, kakanan ako; kung kakanan ka, kakaliwa naman ako.”
10 Tumanaw si Lot sa paligid at nakita niya na ang kapatagan ng Jordan hanggang sa Zoar ay sagana sa tubig, katulad ng lugar ng Eden at ng lupain ng Egipto. (Nangyari ito noong hindi pa nililipol ng Panginoon ang Sodom at Gomora.)
11 Kaya pinili ni Lot ang buong kapatagan ng Jordan sa silangan. Sa ganoong paraan, naghiwalay sila ni Abram.
12 Si Abram ay nagpaiwan sa Canaan habang si Lot naman ay naroon sa mga lungsod ng kapatagan. Nagtayo si Lot ng mga tolda malapit sa Sodom.
13 Ang mga tao sa Sodom ay talamak na makasalanan. Labis ang pagkakasala nila laban sa Panginoon.
14 Nang nakaalis na si Lot, sinabi ng Panginoon kay Abram, “Mula sa kinatatayuan mo, tingnan mong mabuti ang paligid.
15 Ang lahat ng lupain na maaabot ng paningin mo ay ibibigay ko sa iyo at sa mga lahi mo, at magiging inyo ito magpakailanman.
16 Pararamihin ko ang lahi mo na kasindami ng buhangin sa mundo. Ang buhangin ay hindi kayang bilangin, kaya ang mga lahi mo ay hindi rin mabibilang.
17 Lumakad ka at ikutin ang buong lupain dahil ibibigay ko itong lahat sa iyo.”
18 Kaya inilipat ni Abram ang tolda niya, at doon siya nanirahan malapit sa malalaking puno ni Mamre roon sa Hebron, at gumawa siya roon ng altar para sa Panginoon.