1 Ngayon, sinabi ng Dios kay Jacob, “Maghanda ka, pumunta ka sa Betel at doon manirahan. Gumawa ka roon ng altar para sa akin, ang Dios na nagpakita sa iyo nang tumakas ka sa kapatid mong si Esau.”
2 Kaya sinabi ni Jacob sa sambahayan niya at sa lahat ng kasama niya, “Itapon ninyo ang mga dios-diosan ninyo. Maging malinis kayo at magbihis ng damit bilang simbolo ng bago at malinis na buhay.
3 Pagkatapos, pupunta tayo sa Betel, at gagawa ako roon ng altar para sumamba sa Dios na tumulong sa akin noong nasa kahirapan ako, at aking kasama kahit saan ako pumaroon.”
4 Kaya ibinigay nila kay Jacob ang mga dios-diosan nila pati na ang mga hikaw nila na ginagamit bilang anting-anting. Ibinaon ni Jacob ang lahat ng ito sa ilalim ng punongkahoy na terebinto malapit sa Shekem.
5 Nang umalis na sina Jacob, pinagharian ng takot mula sa Dios ang mga tao sa palibot ng mga bayan, kaya hindi sila lumusob at hindi nila hinabol sila Jacob.
6 Nakarating sila Jacob at ang mga kasama niya sa Luz (na tinatawag ding Betel) doon sa Canaan.
7 Gumawa siya roon ng altar. Tinawag niya ang lugar na iyon na El Betel dahil nagpakita sa kanya roon ang Dios nang tumakas siya sa kanyang kapatid na si Esau.
8 Namatay si Debora na tagapag-alaga ni Rebeka. Kaya inilibing siya sa ilalim ng punongkahoy na terebinto na nasa paanan ng Betel. Tinawag iyon na punongkahoy na Allon Bacut.
9 Nang umuwi si Jacob mula sa Padan Aram, muling nagpakita ang Dios sa kanya at binasbasan siya.
10 Sinabi ng Dios sa kanya, “Jacob ang pangalan mo, pero mula ngayon hindi ka na tatawaging Jacob kundi Israel na.” Kaya naging Israel ang pangalan ni Jacob.
11 Sinabi pa ng Dios sa kanya, “Ako ang Makapangyarihang Dios. Magkakaroon ka ng maraming anak. Magiging ama ka ng isang bansa at ng marami pang bansa, at magiging hari ang iba mong mga lahi.
12 Ang lupain na ibinigay ko kay Abraham at kay Isaac ay ibibigay ko rin sa iyo at sa mga lahi mo.”
13-14 Pagkatapos, umalis ang Dios sa lugar na iyon kung saan nakipag-usap siya kay Jacob, at nagtayo roon si Jacob ng batong alaala. Binuhusan niya agad ng alak at langis ang bato para maging banal.
15 Pinangalanan niya ang lugar na iyon na Betel.
16 Umalis si Jacob at ang sambahayan niya sa Betel. Manganganak na noon si Raquel. Malayo pa sila sa bayan ng Efrata, sumakit na ang tiyan ni Raquel.
17 Nang matindi na ang sakit, sinabi ng manghihilot sa kanya, “Huwag kang matakot Raquel, lalaki na naman ang anak mo.”
18 Isinilang ang sanggol pero nasa bingit ng kamatayan si Raquel. Bago siya malagutan ng hininga, pinangalanan niya ang sanggol na Ben Oni. Pero pinangalanan ni Jacob ang sanggol na Benjamin.
19 Namatay si Raquel at inilibing sa tabi ng daan na papunta sa Efrata (na tinatawag ngayong Betlehem).
20 Nilagyan ni Jacob ng bato ang libingan ni Raquel bilang palatandaan, at hanggang ngayon naroon pa rin ang palatandaang ito.
21 Nagpatuloy sina Jacob sa kanilang paglalakbay. Pagdating nila sa kabilang panig ng Migdal Eder, nagtayo sila roon ng mga tolda nila.
22 Habang nakatira roon sila Jacob, sumiping si Reuben kay Bilha na isa sa mga asawa ng kanyang ama. Nang malaman iyon ni Jacob, galit na galit siya.May 12 Anak na lalaki si Jacob.
23 Ang mga anak niya kay Lea ay sina Reuben na panganay, pagkatapos ay sina Simeon, Levi, Juda, Isacar at Zebulun.
24 Ang mga anak niya kay Raquel ay sina Jose at Benjamin.
25 Ang mga anak niya kay Bilha na alipin ni Raquel ay sina Dan at Naftali.
26 Ang mga anak niya kay Zilpa na alipin ni Lea ay sina Gad at Asher.Silang lahat ang anak na lalaki ni Jacob na isinilang sa Padan Aram.
27 Pumunta si Jacob sa ama niyang si Isaac sa Mamre, malapit sa Kiriat Arba (na tinatawag ding Hebron). Ito ang lugar na tinitirhan ni Isaac na siya ring tinitirhan noon ni Abraham.
28 Nabuhay si Isaac ng 180 taon.
29 Namatay siya sa katandaan na kontento sa kanyang buhay, at kasama na ng kanyang mga kamag-anak na sumakabilang buhay na. Inilibing siya ng mga anak niyang sina Esau at Jacob.