1 Nang malaman ni Jacob na may ipinagbibiling pagkain sa Egipto, sinabi niya sa mga anak niyang lalaki, “Ano pa ang hinihintay ninyo?
2 Nabalitaan ko na may ipinagbibili raw na pagkain sa Egipto kaya pumunta kayo roon at bumili para hindi tayo mamatay sa gutom.”
3 Kaya lumakad ang sampung kapatid ni Jose sa Egipto para bumili ng pagkain.
4 Pero hindi ipinasama ni Jacob si Benjamin na nakababatang kapatid ni Jose dahil natatakot siya na baka may masamang mangyari sa kanya.
5 Kaya pumunta ang mga anak ni Jacob sa Egipto kasama ng mga taga-ibang lugar para bumili ng pagkain, dahil laganap na ang taggutom sa buong Canaan.
6 Bilang gobernador ng Egipto, tungkulin ni Jose na pagbilhan ng pagkain ang lahat ng tao. Kaya pagdating ng mga kapatid niya, yumukod sila kay Jose bilang paggalang sa kanya.
7-9 Pagkakita ni Jose sa kanila, nakilala niya agad ang mga ito pero siyaʼy hindi nila nakilala. Hindi lang siya nagpahalata na siya si Jose. Nagtanong siya sa kanila kung taga-saan sila.Sumagot sila, “Taga-Canaan po kami, at pumunta po kami rito para bumili ng pagkain.” Naalala agad ni Jose ang panaginip niya tungkol sa kanila na naging dahilan kung bakit sila nagalit sa kanya. Kaya nagsalita siya ng masasakit na salita sa kanila, “Mga espiya kayo! Pumunta kayo rito para tingnan kung ano ang kahinaan ng bansa namin.”
10 Sumagot sila, “Hindi po! Hindi po kami espiya. Pumunta po kami rito para bumili ng pagkain.
11 Magkakapatid po kaming lahat sa isang ama, at nagsasabi po kami ng totoo. Hindi po kami espiya.”
12 Pero sinabi ni Jose, “Hindi ako naniniwala! Pumunta kayo rito para tingnan kung ano ang kahinaan ng bansa namin.”
13 Sumagot sila, “12 po kaming magkakapatid, at isa lang po ang aming ama na naroon ngayon sa Canaan. Ang bunso po namin ay naiwan sa kanya. Ang isa po naming kapatid ay wala na.”
14 Sinabi ni Jose, “Kagaya ng sinabi ko, mga espiya talaga kayo!
15 Pero susubukan ko kayo kung totoo talaga ang mga sinasabi ninyo. Isinusumpa ko sa pangalan ng Faraon na hindi kayo makakaalis dito hanggaʼt hindi ninyo maisasama ang bunsong kapatid nʼyo rito.
16 Pauuwiin ang isa sa inyo para kunin ang kapatid ninyo. Ang maiiwan sa inyoʼy ikukulong hanggang sa mapatunayan ninyo ang sinasabi ninyo, dahil kung hindi, talagang mga espiya nga kayo!”
17 At ipinakulong niya ang mga ito sa loob ng tatlong araw.
18 Sa ikatlong araw, sinabi ni Jose sa kanila, “Iginagalang ko ang Dios, kaya bibigyan ko pa kayo ng pagkakataong mabuhay kung susundin lang ninyo ang iniutos ko sa inyo.
19 Kung nagsasabi kayo ng totoo, magpaiwan dito ang isa sa inyo at makakauwi kayo, at makakapagdala kayo ng pagkain para sa nagugutom ninyong pamilya.
20 Pagkatapos, dalhin nʼyo rito ang bunsong kapatid ninyo para mapatunayan ko na hindi kayo nagsisinungaling at para hindi ko kayo ipapatay.” At ginawa nila ito.
21 Habang hindi pa sila nakakaalis, sinabi nila sa isaʼt isa, “Mananagot tayo sa ginawa natin sa kapatid natin. Nakita natin ang paghihirap niya nang nagmamakaawa siya sa atin, pero hindi natin siya kinaawaan. Kaya ito ang dahilan kung bakit dumating ang mga paghihirap na ito sa atin.”
22 Sinabi ni Reuben, “Hindi baʼt sinabi ko sa inyo noon na huwag ninyo siyang saktan? Pero hindi kayo nakinig sa akin! Kaya sinisingil na tayo ngayon sa kanyang pagkamatay.”
23 Hindi nila alam na nauunawaan ni Jose ang usapan nila dahil habang nakikipag-usap siya sa kanila ay may tagapagpaliwanag siya.
24 Lumayo muna si Jose sa kanila at umiyak. Pero hindi nagtagal, bumalik siya at nakipag-usap sa kanila. Hiniwalay niya si Simeon sa kanila at ipinagapos sa kanilang harapan.
25 Pagkatapos, iniutos ni Jose na punuin ng pagkain ang mga sako ng kanyang mga kapatid at ibalik sa mga sako nila ang kani-kanilang bayad, at pabaunan sila ng kanilang mga pangangailangan sa kanilang paglalakbay. Nasunod lahat ang iniutos ni Jose.
26 Isinakay agad ng mga kapatid ni Jose ang mga sako nila sa kanilang asno at umalis.
27 Nang nagpalipas sila ng gabi sa isang lugar, isa sa kanila ang nagbukas ng sako niya para pakainin ang kanyang asno. Pagbukas niya, nakita niya roon ang perang ibinayad niya.
28 Sumigaw siya sa kanyang mga kapatid, “Ibinalik ang ibinayad ko! Nandito sa sako ko.”Nanlupaypay silang lahat at kinabahan. Nagtanungan sila, “Ano kaya itong ginawa ng Dios sa atin?”
29 Pagdating nila sa Canaan, sinabi nila sa kanilang amang si Jacob ang lahat ng nangyari sa kanila.
30 Sinabi nila kay Jacob, “Pinagsalitaan po kami ng masasakit ng gobernador ng Egipto at pinagbintangan na mga espiya raw po kami.
31 Pero sinagot po namin siya na hindi kami espiya at nagsasabi kami ng totoo.
32 Sinabi rin po namin na 12 kaming magkakapatid at isa lang ang aming ama. Sinabi rin namin na ang isa naming kapatid ay patay na at ang aming bunsong kapatid ay kasama po ninyo rito sa Canaan.
33 “Pero ito po ang sinabi niya sa amin, ‘Susubukan ko kayo kung totoo ang sinasabi ninyo. Magpaiwan dito ang isa sa inyo at umuwi kayo na may dalang pagkain para sa mga pamilya ninyong nagugutom.
34 Pero dalhin ninyo rito ang bunsong kapatid ninyo para malaman ko na mga tapat kayong tao at hindi kayo espiya. Pagkatapos, ibabalik ko sa inyo ang kapatid ninyong si Simeon, at papayagan ko kayo na pumarooʼt parito sa Egipto.’ ”
35 Nang ibinuhos na nila ang laman ng kanilang mga sako, nakita nila roon sa mga sako nila ang perang ibinayad nila. Nang makita ito ng kanilang ama, kinabahan silang lahat.
36 Sinabi ni Jacob sa kanila, “Gusto ba ninyong mawalan ako ng mga anak? Wala na si Jose, wala na si Simeon at ngayon gusto naman ninyong kunin si Benjamin. Hirap na hirap na ako!”
37 Sinabi ni Reuben, “Ama, ako po ang bahala sa kanya. Patayin po ninyo ang dalawa kong anak na lalaki kung hindi ko po siya maibabalik sa inyo.”
38 Pero sumagot si Jacob, “Hindi ako papayag na isama ninyo ang anak ko. Namatay na ang kapatid niya at siya na lang ang naiwan. Baka may masama pang mangyari sa kanya sa daan. At sa katandaan kong ito, ikamamatay ko ang sobrang kalungkutan.”