1-2 Pagkatapos ng mga nangyaring ito, nagkasala sa Faraon ang pinuno ng mga tagasilbi niya ng alak at pinuno ng mga panadero. Lubhang nagalit ang hari sa dalawa niyang opisyal na ito.
3 Kaya ipinabilanggo niya ang mga ito sa bahay ng kapitan ng mga guwardya sa palasyo kung saan naroon din si Jose nakabilanggo.
4 Si Jose ang katiwala ng kapitan ng mga guwardya na nag-aalaga sa kanila. Nagkasama sila nang matagal sa bilangguan.
5 Isang gabi, nanaginip ang tagasilbi ng alak at ang panadero ng Faraon habang naroon sila sa bilangguan. Ang bawat isa sa kanila ay magkaiba ang panaginip at magkaiba rin ang kahulugan.
6 Kinaumagahan, pagpunta ni Jose sa kanila, nakita niyang nanlulupaypay sila.
7 Kaya tinanong niya sila, “Bakit kayo malungkot?”
8 Sumagot sila, “Nanaginip kasi kami pero walang makapagpaliwanag ng kahulugan nito.”Sinabi ni Jose, “Ang Dios ang nagbibigay ng kaalaman sa pagpapaliwanag ng kahulugan ng mga panaginip. Sige, sabihin nʼyo sa akin kung ano ang mga panaginip ninyo.”
9 Kaya sinabi ng pinuno ng tagasilbi ng alak ang kanyang panaginip. Sinabi niya, “Nanaginip ako na may isang puno ng ubas sa aking harapan
10 at itoʼy may tatlong sanga. Tumubo ito, namulaklak, at nahinog ang mga bunga.
11 Nakahawak daw ako sa saro ng Faraon at pumitas ng ubas, at piniga ko agad sa saro. Pagkatapos, ibinigay ko ang saro sa hari.”
12 Sinabi ni Jose, “Ito ang kahulugan ng panaginip mo: Ang tatlong sanga ay nangangahulugan ng tatlong araw.
13 Hindi matatapos ang tatlong araw, palalabasin ka ng Faraon sa bilangguan at pababalikin ka sa trabaho mo bilang tagasilbi ng kanyang alak.
14 Nawaʼy alalahanin mo ako kapag nasa mabuti ka nang kalagayan. At bilang pagpapakita ng kabutihan mo sa akin, banggitin mo rin ako sa Faraon para matulungan mo ako na makalabas sa bilangguan.
15 Sapagkat ang totoo, sapilitan lang akong dinala rito mula sa lupain ng mga Hebreo, at kahit dito ay wala rin akong nagawang kasalanan para ibilanggo ako.”
16 Nang marinig ng pinuno ng mga panadero na maganda ang kahulugan ng panaginip, isinalaysay din niya ang panaginip niya kay Jose. Sinabi niya, “Nanaginip din ako na may dala-dala ako sa ulo ko na tatlong kaing na may mga laman na tinapay.
17 Ang ibabaw ng kaing ay may laman na ibaʼt ibang uri ng tinapay para sa Faraon, pero tinuka ito ng mga ibon.”
18 Sinabi ni Jose, “Ito ang kahulugan ng panaginip mo: Ang tatlong kaing ay nangangahulugan ng tatlong araw.
19 Hindi matatapos ang tatlong araw, palalabasin ka ng Faraon sa bilangguan pero ipapapatay ka niya at ibibitin ang bangkay mo sa kahoy, at tutukain ito ng mga ibon.”
20 Dumating ang ikatlong araw at ito ay kaarawan ng Faraon. Kaya nagpahanda siya para sa lahat ng opisyal niya. Pinalabas niya sa bilangguan ang pinuno ng mga tagasilbi niya ng alak at ang pinuno ng mga panadero niya, at pinaharap sa kanyang mga opisyal.
21 Ibinalik niya ang pinuno ng mga tagasilbi ng alak sa kanyang trabaho.
22 Pero ipinapatay niya ang pinuno ng mga panadero, at ibinitin ang bangkay nito sa puno. Nangyari lahat ang sinabi ni Jose sa kanila.
23 Pero hindi naalala ng pinuno ng mga tagasilbi ng alak si Jose.