Genesis 39 ASND

Si Jose at ang Asawa ni Potifar

1 Nang dinala na si Jose ng mga Ishmaelita sa Egipto, binili siya ni Potifar na isa sa mga opisyal ng Faraon. (Si Potifar ay kapitan ng mga guwardya sa palasyo.)

2 Ginagabayan ng Panginoon si Jose, kaya naging matagumpay siya. Doon siya nakatira sa bahay ng amo niyang Egipcio na si Potifar.

3 Nakita ni Potifar na ginagabayan ng Panginoon si Jose at pinagpapala sa lahat ng ginagawa niya,

4 kayaʼt panatag ang kalooban niya kay Jose. Ginawa niya ito na sarili niyang alipin at tagapamahala ng kanyang sambahayan at ng lahat ng kanyang ari-arian.

5 Mula nang panahong si Jose ang namamahala, binasbasan ng Panginoon ang sambahayan ni Potifar na Egipcio at ang lahat ng ari-arian niya sa kanyang bahay at bukirin. Ginawa ito ng Panginoon dahil kay Jose.

6 Ipinagkatiwala ni Potifar ang lahat kay Jose at wala na siyang ibang iniintindi maliban na lang sa pagpili ng kakainin niya.Gwapo si Jose at matipuno ang katawan.

7 Hindi nagtagal, nagkagusto sa kanya ang asawa ng kanyang amo. Inakit niya si Jose para sumiping sa kanya.

8 Pero tumanggi si Jose. Sinabi niya sa babae, “Pakinggan nʼyo po ako! Ipinagkatiwala po sa akin ng amo ko ang lahat ng kanyang ari-arian kaya hindi na po siya nag-aalaa sa mga gamit dito sa kanyang sambahayan.

9 Wala na pong hihigit sa akin sa sambahayang ito. Ipinagkatiwala niya sa akin ang lahat maliban lang sa inyo dahil asawa niya kayo. Kaya hindi ko po magagawang pagtaksilan ang amo ko at magkasala sa Dios.”

10 Kahit araw-araw ang pang-aakit ng babae kay Jose na sumiping sa kanya, hindi pa rin siya pumayag.

11 Isang araw, pumasok si Jose sa bahay para magtrabaho. Nagkataon na wala kahit isang alipin sa loob ng bahay.

12 Hinawakan siya sa damit ng asawa ng amo niya at sinabi, “Sipingan mo ako!” Pero tumakbong palabas ng bahay si Jose, at naiwan ang balabal niya na hawak ng babae.

13 Nang makita ng babae na nakalabas si Jose at hawak niya ang balabal nito,

14 tinawag niya ang kanyang mga alipin at sinabi, “Tingnan ninyo! Dinalhan tayo rito ng asawa ko ng isang Hebreo para hamakin tayo. Alam nʼyo ba na pumasok siya sa silid ko para pagsamantalahan ako, pero sumigaw ako.

15 Kaya tumakbo siya palabas, at naiwan niya ang kanyang balabal.”

16 Itinago ng babae ang balabal ni Jose hanggang sa dumating ang kanyang asawa.

17 Isinalaysay niya agad sa asawa niya ang nangyari. Sinabi niya, “Ang Hebreong alipin na dinala mo rito ay gusto akong hamakin dahil pumasok siya sa silid ko para pagsamantalahan ako.

18 Pero tumakbo siya palabas nang sumigaw ako, at naiwan pa nga ang kanyang balabal.”

19 Nang marinig ni Potifar ang salaysay ng kanyang asawa tungkol sa ginawa ni Jose, galit na galit siya.

20 Kaya ipinadakip niya si Jose at ipinasok sa bilangguan ng hari.Pero kahit nasa bilangguan si Jose,

21 ginagabayan pa rin siya ng Panginoon. At dahil sa kabutihan ng Panginoon, panatag ang loob ng tagapamahala ng bilangguan kay Jose.

22 Kaya ipinagkatiwala niya kay Jose ang pamamahala sa lahat ng bilanggo at ang lahat ng gawain sa bilangguan.

23 Hindi nag-aalala ang tagapamahala ng bilangguan sa mga bagay na ipinagkatiwala niya kay Jose, dahil ginagabayan ng Panginoon si Jose at pinagpapala sa lahat ng ginagawa niya.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31 32 33 34 35 36 37 38 39 40 41 42 43 44 45 46 47 48 49 50