1 Pagkatapos noon, nagsalita ang Panginoon kay Abram sa pamamagitan ng isang pangitain. Sinabi niya, “Abram, huwag kang matakot dahil ako ang magiging kalasag mo at gagantimpalaan kita.”
2 Pero sinabi ni Abram, “O Panginoong Dios, ano po ang halaga ng gantimpala nʼyo sa akin dahil hanggang ngayon ay wala pa po akong anak. Ang magiging tagapagmana ko po ay si Eliezer na taga-Damascus.
3 Dahil hindi nʼyo po ako binigyan ng anak, kaya isa sa mga alipin ng sambahayan ko ang magmamana ng mga ari-arian ko.”
4 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Hindi siya ang magmamana ng mga ari-arian mo kundi ang sarili mong anak.”
5 Pagkatapos, dinala siya ng Panginoon sa labas at sinabi, “Masdan mo ang mga bituin sa langit, bilangin mo kung makakaya mo. Magiging ganyan din karami ang lahi mo.”
6 Nanalig si Abram sa Panginoon. At dahil dito, itinuring siyang matuwid.
7 Sinabi pa niya kay Abram, “Ako ang Panginoon na nag-utos sa iyo na lisanin ang Ur na sakop ng mga Caldeo para ibigay sa iyo ang lupaing ito at magiging pag-aari mo.”
8 Pero sinabi ni Abram, “O Panginoong Dios, paano ko po malalaman na magiging akin ito?”
9 Sumagot ang Panginoon, “Dalhan mo ako rito ng isang dumalagang baka, isang babaeng kambing, at isang lalaking tupa, na ang bawat isaʼy tatlong taon ang gulang. At magdala ka rin ng isang inakay na batu-bato at isang inakay na kalapati.”
10 Kaya dinala ni Abram ang lahat ng ito sa Panginoon. Pagkatapos, pinaghati-hati niya at inilapag sa gitna na magkakatapat ang bawat kabiyak. Ang batu-bato lamang at ang kalapati ang hindi niya hinati.
11 Dumadapo sa hinating mga hayop ang mga ibong kumakain ng patay, pero binubugaw ito ni Abram.
12 Nang palubog na ang araw, nakatulog nang mahimbing si Abram at matinding takot ang dumating sa kanya.
13 Pagkatapos, sinabi sa kanya ng Panginoon, “Siguradong ang iyong mga lahi ay maninirahan sa ibang bansa, at gagawin silang mga alipin doon at pagmamalupitan sa loob ng 400 taon.
14 Ngunit parurusahan ko ang bansang aalipin sa kanila. Pagkatapos, aalis sila sa bansang iyon na dala ang maraming kayamanan.
15 Ikaw naman Abram, pahahabain ko ang buhay mo at mamamatay ka sa katandaan na may kapayapaan.
16 Lilipas muna ang apat na henerasyon bago makabalik dito ang mga lahi mo, dahil hindi pa umaabot sa sukdulan ang pagkakasala ng mga Amoreo para parusahan sila at paalisin sa lupaing ito.”
17 Nang lumubog na ang araw at dumilim na, biglang may nakita si Abram na palayok na umuusok at nakasinding sulo, na dumaraan sa gitna ng mga hinating hayop.
18 Sa araw na iyon, gumawa ng kasunduan ang Panginoon kay Abram. Sinabi niya, “Ibibigay ko sa mga lahi mo ang lupaing ito mula sa dulo ng ilog na hangganan ng Egipto hanggang sa malaking ilog na Eufrates.
19 Ito ang lupain ng mga Keneo, Kenizeo, Kadmoneo,
20 Heteo, Perezeo, Refaimeo,
21 Amoreo, Cananeo, Gergaseo, at mga Jebuseo.”