1 Dumating ang panahon na sinubukan ng Dios si Abraham. Tinawag niya si Abraham, at sumagot si Abraham sa kanya.
2 Pagkatapos, sinabi niya, “Dalhin mo ang kaisa-isa at pinakamamahal mong anak na si Isaac, at pumunta kayo sa lupain ng Moria. Umakyat kayo sa bundok na ituturo ko sa iyo at ialay mo siya sa akin bilang handog na sinusunog.”
3 Kinabukasan, maagang nagsibak si Abraham ng mga kahoy na gagamitin sa paghahandog, at isinakay niya ito sa asno. Lumakad siya kasama si Isaac at ang dalawa niyang aliping lalaki papunta sa lugar na sinabi sa kanya ng Dios.
4 Nang ikatlong araw ng kanilang paglalakbay, nakita ni Abraham sa di-kalayuan ang lugar na sinabi sa kanya ng Dios.
5 Kaya sinabi ni Abraham sa dalawa niyang alipin, “Dito muna kayo at bantayan ninyo ang asno, dahil aakyat kami roon para sumamba sa Dios. Babalik din kami agad.”
6 Ipinapasan ni Abraham kay Isaac ang mga kahoy na gagamitin sa paghahandog, at siya ang nagdala ng itak at sulo.
7 Habang lumalakad sila, sinabi ni Isaac, “Ama!” Sumagot si Abraham, “Bakit anak?” Nagtanong si Isaac, “May dala po tayong sulo at panggatong pero nasaan po ang tupa na ihahandog?”
8 Sumagot si Abraham, “Anak, ang Dios mismo ang magbibigay sa atin ng tupang ihahandog.” At nagpatuloy sila sa paglalakad.
9 Nang dumating sila sa lugar na sinabi ng Dios, gumawa si Abraham ng altar na bato, at inihanda niya ang mga kahoy sa ibabaw nito. Pagkatapos, iginapos niya si Isaac at inihiga sa ibabaw ng altar.
10 Kinuha niya ang itak. At nang papatayin na sana niya si Isaac,
11 tinawag siya ng anghel ng Panginoon mula sa langit, “Abraham! Abraham!” Sumagot si Abraham, “Narito po ako.”
12 Sinabi ng anghel, “Huwag mong patayin ang anak mo! Ngayon, napatunayan ko na may takot ka sa Dios dahil hindi mo ipinagkait ang kaisa-isa mong anak.”
13 Paglingon ni Abraham, may nakita siyang isang lalaking tupa na ang sungay ay nasabit sa mga sanga ng kahoy, at hindi na ito makaalis. Kaya kinuha ito ni Abraham at inihandog bilang handog na sinusunog kapalit ng kanyang anak.
14 Tinawag ni Abraham ang lugar na iyon na “Naglalaan ang Panginoon.” Ito ang pinagmulan ng kasabihang, “Sa bundok ng Panginoon may inilalaan siya.”
15 Muling tinawag ng anghel ng Panginoon si Abraham mula sa langit.
16-17 Sinabi niya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Sumusumpa ako sa sarili ko na pagpapalain kita nang lubos dahil hindi mo ipinagkait sa akin ang kaisa-isa mong anak. Bibigyan kita ng mga lahi na kasindami ng mga bituin sa langit at ng buhangin sa dalampasigan. Sasakupin nila ang mga lungsod ng kanilang mga kaaway.
18 At sa pamamagitan ng iyong mga lahi, pagpapalain ko ang lahat ng bansa sa mundo, dahil sumunod ka sa akin.”
19 Pagkatapos nito, binalikan nila Abraham at Isaac ang kanilang mga alipin. At bumalik sila sa Beersheba at doon na nanirahan.
20 Pagkalipas ng ilang panahon, nabalitaan ni Abraham na ang kapatid niyang si Nahor ay may mga anak kay Milca:
21 Si Uz ang panganay, sumunod sina Buz, Kemuel (ang ama ni Aram),
22 Kesed, Hazo, Pildas, Jidlaf at Betuel.
23 Silang walo ay ang mga anak ni Nahor kay Milca. Si Betuel ang ama ni Rebeka.
24 May mga anak din si Nahor sa isa pa niyang asawa na si Reuma. Silaʼy sina Teba, Gaham, Tahas at Maaca.