1 Nagpakita ang Panginoon kay Abraham nang nakatira pa siya malapit sa malalaking puno ni Mamre. Mainit ang araw noon, at si Abraham ay nakaupo sa pintuan ng kanyang tolda.
2 Habang nagmamasid siya, may nakita siyang tatlong lalaki na nakatayo sa di-kalayuan. Tumayo siya agad at dali-daling sumalubong sa kanila. Yumukod siya sa kanila bilang paggalang.
3 At sinabi, “Panginoon, kung maaari, dumaan po muna kayo rito sa amin.
4 Magpapakuha po ako ng tubig para makapaghugas kayo ng mga paa ninyo at makapagpahinga sa lilim ng punongkahoy na ito.
5 Kukuha rin ako ng pagkain para sa inyo upang may lakas po kayo sa inyong paglalakad. Ikinagagalak ko pong mapaglingkuran kayo habang nandito kayo sa amin.” At sumagot sila, “Sige, gawin mo kung ano ang sinabi mo.”
6 Kaya nagmadaling pumasok si Abraham sa tolda at sinabi kay Sara, “Kumuha ka ng kalahating sako ng magandang klaseng harina at magluto ka ng tinapay. At bilisan mo ang pagluluto.”
7 Tumakbo agad si Abraham papunta sa mga bakahan niya at pumili ng matabang guya, at ipinakatay niya ito at ipinaluto sa alipin niyang kabataan.
8 Pagkatapos, dinala niya ito sa mga panauhin niya, at nagdala rin siya ng keso at gatas. At habang kumakain sila sa ilalim ng punongkahoy, naroon din si Abraham na naglilingkod sa kanila.
9 Ngayon, nagtanong ang mga panauhin kay Abraham, “Nasaan ang asawa mong si Sara?” Sumagot siya, “Naroon po sa loob ng tolda.”
10 Ang isa sa mga panauhin ay nagsabi, “Tiyak na babalik ako rito sa ganito ring panahon sa susunod na taon at magkakaroon ng anak na lalaki ang asawa mong si Sara.”Nakikinig pala si Sara sa pintuan ng tolda na nasa likod lamang ni Abraham.
11 (Matanda na silang dalawa ni Abraham at huminto na nga ang buwanang dalaw ni Sara.)
12 Tumawa si Sara sa kanyang sarili at nag-isip-isip, “Sa katandaan kong ito, masisiyahan pa ba akong sumiping sa asawa ko, na matanda na rin, para magkaanak kami?”
13 Nagtanong agad ang Panginoon kay Abraham, “Bakit tumatawa si Sara at sinasabi, ‘Magkakaanak pa ba ako ngayong matanda na ako?’
14 May bagay ba na hindi magagawa ng Panginoon? Tulad ng sinabi ko, babalik ako rito sa ganito ring panahon sa susunod na taon at magkakaroon ng anak na lalaki si Sara.”
15 Natakot si Sara, kaya nagsinungaling siya. Sinabi niya, “Hindi po ako tumawa!” Pero sinabi ng Panginoon, “Tumawa ka talaga.”
16 Pagkatapos, umalis ang tatlong lalaki. Inihatid sila ni Abraham hanggang sa lugar kung saan nakikita nila sa ibaba ang lungsod ng Sodom.
17 Sinabi ng Panginoon, “Hindi ko itatago kay Abraham ang gagawin ko.
18 Talagang magiging malaki at makapangyarihang bansa ang mga lahi niya sa hinaharap. At sa pamamagitan niya, makakatanggap ng pagpapala ang ibang mga bansa.
19 Pinili ko siya para ipatupad niya sa mga anak at mga lahi niya ang utos ko na gumawa sila ng tama at matuwid. Sa ganoong paraan, matutupad ang aking pangako sa kanya.”
20 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Abraham, “Maraming tao ang dumadaing doon sa Sodom at Gomora, dahil sobrang sama na ng lugar na iyon.
21 Kaya pupunta ako roon para malaman ko kung totoo o hindi ang mga daing ng mga tao roon.”
22 Lumakad agad ang dalawang lalaki papuntang Sodom, pero nagpaiwan ang Panginoon at si Abraham.
23 Lumapit si Abraham sa Panginoon at nagtanong, “Lilipulin nʼyo po ba ang mga matuwid kasama ng mga makasalanan.
24 Kung mayroon po kayang 50 matuwid sa lungsod na iyan, lilipulin nʼyo pa rin po ba ang buong lungsod? Hindi nʼyo po ba kahahabagan ang lungsod dahil sa 50 taong matuwid?
25 Hindi po kapani-paniwala na lilipulin ninyo ang mga matuwid kasama ng mga makasalanan. Hindi po maaaring pare-pareho ang pakikitungo nʼyo sa kanila. Kayo po na humahatol sa buong mundo, hindi po baʼt dapat gawin ninyo kung ano ang tama?”
26 Sumagot ang Panginoon, “Kung may makita akong 50 matuwid sa Sodom, hindi ko lilipulin ang buong lungsod alang-alang sa kanila.”
27 Muling nagsalita si Abraham, “O Panginoon, patawarin nʼyo po akong naglakas-loob na makipag-usap sa inyo. Tao lang po ako, at wala akong katuwiran na magsabi nito sa inyo.
28 Pero kung mayroon po kayang 45 matuwid, lilipulin nʼyo pa rin ba ang buong lungsod dahil kulang po ito ng lima?” Sumagot ang Panginoon, “Kung may makita akong 45 matuwid, hindi ko lilipulin ang lungsod.”
29 Muling nagsalita si Abraham, “Kung 40 lang po kaya ang matuwid?” Sumagot ang Panginoon, “Hindi ko lilipulin ang lungsod alang-alang lamang sa 40 matuwid.”
30 Muling nagsalita si Abraham, “Huwag po sana kayong magalit sa akin, Panginoon, dahil magtatanong pa po ako. Ano po kaya kung may 30 lang na taong matuwid?” Sumagot ang Panginoon, “Hindi ko pa rin lilipulin ang lungsod kung may makita akong 30 tao na matuwid.”
31 Muling nagsalita si Abraham, “Panginoon, patawarin nʼyo po ako sa paglalakas-loob ko na pakikipag-usap sa inyo. Ano po kaya kung may 20 na lang na taong matuwid?” Sumagot ang Panginoon, “Hindi ko pa rin lilipulin ang lungsod alang-alang sa 20 matuwid.”
32 Muling nagsalita si Abraham, “Panginoon, huwag po sana kayong magagalit; huling tanong na po ito. Halimbawa, sampu na lang po ang nakita ninyong matuwid?” Sumagot ang Panginoon, “Hindi ko pa rin lilipulin ang lungsod alang-alang sa sampung matuwid.”
33 Pagkatapos nilang mag-usap, umalis ang Panginoon at si Abraham ay umuwi sa kanila.