1 Nang 99 na taong gulang si Abram, nagpakita sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Ako ang Dios na Makapangyarihan. Palagi kang maging matapat sa akin at mamuhay nang matuwid.
2 Tutuparin ko ang kasunduan ko sa iyo; pararamihin ko ang mga lahi mo.”
3 Nang marinig ito ni Abram, nagpatirapa siya bilang paggalang sa Dios. Sinabi ng Dios sa kanya,
4 “Sa ganang akin, ito ang kasunduan ko sa iyo: Magiging ama ka ng maraming bansa.
5 Mula ngayon, hindi na Abram ang itatawag sa iyo kundi Abraham dahil gagawin kitang ama ng maraming bansa.
6 Pararamihin ko ang mga lahi mo at magtatayo sila ng mga bansa, at ang iba sa kanila ay magiging hari.
7 Tutuparin ko ang kasunduan ko sa iyo at sa mga lahi mo sa susunod mo pang mga henerasyon, na patuloy akong magiging Dios ninyo. Ang kasunduang ito ay magpapatuloy magpakailanman.