10 At tungkol sa kasunduang ito, dapat ninyong tuliin ang lahat ng lalaki.
11 Ito ang magiging palatandaan ng kasunduan ko sa inyo.
12-13 Mula ngayon hanggang sa susunod pang mga henerasyon, ang lahat ng lalaking ipapanganak ay dapat tuliin pagsapit nang ikawalong araw mula nang isilang ito. Tuliin din ninyo ang mga aliping lalaki na isinilang sa tahanan ninyo at pati ang mga aliping binili ninyo sa mga taga-ibang lugar. Ito ang palatandaan sa katawan ninyo na magpapatunay na ang kasunduan ko sa inyo ay magpapatuloy hanggang wakas.
14 Ang sinumang lalaki sa inyo na tumangging magpatuli ay huwag ninyong ituring na kababayan, dahil binalewala niya ang kasunduan ko.”
15 Sinabi pa ng Dios kay Abraham, “Tungkol naman sa asawa mong si Sarai, hindi mo na siya tatawaging Sarai, kundi mula ngayon ay Sara na ang itatawag mo sa kanya.
16 Pagpapalain ko siya at bibigyan kita ng anak sa pamamagitan niya. Magiging ina siya ng maraming bansa, at ang iba niyang mga lahi ay magiging hari.”
17 Nang marinig ito ni Abraham, nagpatirapa siya bilang paggalang sa Dios, pero tumawa siya sa kanyang narinig. Sinabi niya sa kanyang sarili, “Magkakaanak pa ba ako na nasa 100 taong gulang na? At si Sara, mabubuntis pa kaya siya na nasa 90 taong gulang na?”