13 Nakita rin niya ang Panginoon na nakatayo sa itaas ng hagdan at sinabi sa kanya, “Ako ang Panginoon, ang Dios ni Abraham at ni Isaac. Ibibigay ko sa iyo at sa mga lahi mo ang lupaing ito na iyong hinihigaan.
14 Ang mga lahi mo ay magiging kasindami ng alikabok sa lupa. Mangangalat sila sa ibaʼt ibang bahagi ng lupa. Sa pamamagitan mo at ng mga lahi mo, pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo.
15 Alalahanin mo palagi na kasama mo ako at iingatan kita kahit saan ka pumunta. Pababalikin kita sa lupaing ito at hindi kita pababayaan hanggang sa matupad ko ang aking ipinangako sa iyo.”
16 Biglang nagising si Jacob at sinabi niya sa kanyang sarili, “Hindi ko alam na nandito pala ang Panginoon sa lugar na ito.”
17 Kinabahan siya at sinabi, “Nakakamangha ang lugar na ito! Tirahan ito ng Dios at dito mismo ang pintuan papuntang langit.”
18 Maagang bumangon si Jacob. Kinuha niya ang batong inunan niya noong gabi at itinayo bilang isang alaala. Pagkatapos, binuhusan niya ito ng langis para maging banal.
19 Pinangalanan ni Jacob ang lugar na iyon na Betel. Dati ay Luz ang pangalan ng lugar na iyon.