1 Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Esau (na tinatawag ding Edom).
2 Nakapag-asawa si Esau ng mga babaeng taga-Canaan. Silaʼy sina Ada na anak ni Elon na Heteo, si Oholibama na anak ni Ana at apo ni Zibeon na Hiveo,
3 at si Basemat na kapatid ni Nebayot na anak ni Ishmael.
4 Ang anak ni Esau kay Ada ay si Elifaz. Ang anak niya kay Basemat ay si Reuel.
5 At ang mga anak niya kay Oholibama ay sina Jeush, Jalam at Kora. Sila ang mga anak ni Esau na isinilang sa Canaan.
6 Dinala ni Esau ang kanyang mga asawaʼt anak, ang lahat ng sakop ng kanyang sambahayan, pati ang mga ari-arian at mga hayop niya na naipon niya sa Canaan. At lumipat siya sa isang lupain na malayo kay Jacob na kanyang kapatid.
7 Sapagkat hindi na sila maaaring magsama sa isang lupain dahil sa dami ng mga ari-arian nila; at ang lupain na kanilang tinitirhan ay hindi sapat sa kanila dahil sa dami ng mga hayop nila.