14 Nang dumating si Juda at ang mga kapatid niya sa Egipto, naroon pa rin si Jose sa bahay niya. Pumasok sila sa bahay at lumuhod sa harapan ni Jose.
15 Sinabi ni Jose sa kanila, “Ano ba itong ginawa ninyo? Hindi nʼyo ba alam na marunong akong manghula? Kaya wala kayong maitatago sa akin.”
16 Sinabi ni Juda, “Mahal na Gobernador, wala na po kaming ikakatuwiran pa sa inyo, at hindi po namin masasabi na hindi kami nagkasala. Ang Dios po ang siyang naghayag ng aming kasalanan. Ngayon, lahat po kami ay alipin na ninyo – kami at ang isa na nakitaan ng kopa.”
17 Pero sinabi ni Jose, “Hindi ko magagawa iyan. Kung kanino lang nakita ang kopa siya lang ang magiging alipin ko. At makakauwi na kayo sa inyong ama nang matiwasay.”
18 Lumapit si Juda kay Jose at sinabi, “Hinihiling ko sa inyo Mahal na Gobernador, na kung maaari, pakinggan nʼyo ako. Huwag sana kayong magalit sa akin, kayo na gaya ng Faraon.
19 Tinanong nʼyo kami noon kung mayroon pa kaming ama at kapatid,
20 at sinagot po namin na may ama pa kami na matanda na, at may bunso kaming kapatid na ipinanganak sa kanyang katandaan. Sinabi po namin na patay na ang kapatid niya at siya na lang ang naiwan sa kanilang magkakapatid na buo, at mahal na mahal po siya ng aming ama.