2 Umiyak nang malakas si Jose kaya narinig ito ng mga Egipcio at ng sambahayan ng Faraon.
3 Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid, “Ako si Jose! Totoo bang buhay pa ang ating ama?” Pero hindi nakasagot sa kanya ang mga kapatid niya dahil natulala sila.
4 Kaya sinabi ni Jose, “Lumapit kayo sa akin.” Nang lumapit na sila, sinabi niya, “Ako si Jose na kapatid ninyo, ang ipinagbili at dinala nʼyo rito sa Egipto.
5 Ngayon, huwag kayong mag-alala at huwag ninyong sisihin ang sarili nʼyo dahil ipinagbili nʼyo ako rito, dahil ang Dios ang siyang nagsugo sa akin dito para iligtas ang buhay ninyo.
6 Ikalawang taon pa lang ito ng taggutom, at may susunod pang limang taon na walang ani.
7 Pero sinugo ako rito ng Dios para mailigtas kayo at mapanatili ang marami sa inyo rito sa mundo.
8 “Kaya, hindi kayo ang nagpadala sa akin dito kundi ang Dios. Ginawa niya akong tagapayo ng Faraon, tagapamahala ng kanyang sambahayan at ng buong Egipto.