22 Binigyan din niya ang bawat isa sa kanila ng damit; pero ang ibinigay niya kay Benjamin ay limang damit at 300 pirasong pilak.
23 Pinadalhan din niya ang kanyang ama ng sampung asnong may mga kargang pinakamagandang ani mula sa Egipto, at sampung babaeng asno na may mga kargang trigo, tinapay at mga baon ng kanyang ama sa paglalakbay.
24 Nang pinaalis na niya ang kanyang mga kapatid, sinabi niyang huwag silang mag-aaway sa daan.
25 Kaya umalis sila sa Egipto at bumalik sa kanilang ama sa Canaan.
26 Pagdating nila roon, sinabi nila sa kanilang ama na buhay pa si Jose, at siya pa nga ang tagapamahala ng buong Egipto. Natulala si Jacob; hindi siya makapaniwala.
27 Pero nang sinabi nila sa kanya ang lahat ng sinabi ni Jose sa kanila, at nang makita niya ang mga karwahe na ipinadala ni Jose para sa pagpunta niya sa Egipto, bigla siyang lumakas.
28 Sinabi ni Jacob, “Naniniwala na ako! Ang anak kong si Jose ay buhay pa. Pupuntahan ko siya bago ako mamatay.”