1 Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid sa buong Judea na may mga Hentil na tumanggap na rin sa salita ng Diyos.
2 Kaya't nang si Pedro'y pumunta sa Jerusalem, tinuligsa siya ng mga kapatid na masugid sa pagsunod sa Kautusan.
3 “Bakit ka pumasok sa bahay ng mga Hentil at nakisalo pa sa kanila?” tanong nila.
4 Kaya't isinalaysay sa kanila ni Pedro ang buong pangyayari.
5 “Ako'y nasa lunsod ng Joppa at nananalangin nang magkaroon ako ng isang pangitain. Mula sa langit ay ibinabâ sa kinaroroonan ko ang isang tila malaking kumot na nakabitin sa apat na sulok.
6 Pinagmasdan ko itong mabuti at nakita ko roon ang iba't ibang uri ng hayop, lumalakad at gumagapang sa lupa, mababangis, at mga lumilipad.
7 Pagkatapos ay narinig ko ang isang tinig na nag-utos, ‘Pedro, tumayo ka. Magkatay ka at kumain!’
8 Subalit sumagot ako, ‘Hindi ko magagawa iyan, Panginoon. Hindi ako kumakain ng anumang pagkaing marumi.’
9 Muli kong narinig ang tinig mula sa langit, ‘Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos!’
10 Tatlong ulit na nangyari iyon, at pagkatapos ay hinila na pataas sa langit ang lahat ng iyon.
11 “Nang sandali ring iyon, dumating sa bahay na tinutuluyan ko ang tatlong lalaking sinugo sa akin buhat sa Cesarea.
12 Sinabi sa akin ng Espiritu na huwag akong mag-atubiling sumama sa kanila. Sumama rin sa akin ang anim na kapatid na ito at pumasok kami sa bahay ni Cornelio.
13 Isinalaysay niya sa amin na nakakita siya ng isang anghel na nakatayo sa loob ng kanyang bahay at sinabi raw sa kanya, ‘Magpadala ka ng mga sugo sa Joppa at ipasundo mo si Simon na tinatawag ding Pedro.
14 Sasabihin niya sa iyo ang mga kinakailangan upang ikaw at ang iyong sambahayan ay maligtas.’
15 “Nagsisimula pa lamang akong magsalita ay bumabâ na sa kanila ang Espiritu Santo gaya ng ginawa nito sa atin noong una.
16 At naalala ko ang sinabi ng Panginoon, ‘Si Juan ay nagbabautismo sa tubig, ngunit babautismuhan kayo ng Espiritu Santo.’
17 Kung binigyan sila ng Diyos ng kaloob na tulad ng ibinigay niya sa atin noong tayo'y manalig sa Panginoong Jesu-Cristo, sino ako para hadlangan ang Diyos?”
18 Nang marinig nila ito, tumigil na sila ng pagtuligsa at sa halip ay nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Kung gayon, ang mga Hentil man ay binigyan din ng Diyos ng pagkakataong magsisi't magbagong-buhay upang maligtas!”
19 Ang mga mananampalataya ay nagkahiwa-hiwalay dahil sa pag-uusig na nagsimula noong patayin si Esteban. May nakarating sa Fenicia, sa Cyprus at sa Antioquia. Saanman sila makarating, ipinapangaral nila ang salita, ngunit sa mga Judio lamang.
20 Subalit may kasama silang ilang mga taga-Cyprus at mga taga-Cirene na pagdating sa Antioquia ay nangaral din sa mga Griego tungkol sa Panginoong Jesus.
21 Nasa kanila ang kapangyarihan ng Panginoon, at maraming naniwala at nanalig sa Panginoong Jesus.
22 Nang mabalitaan ito ng iglesya sa Jerusalem, isinugo nila sa Antioquia si Bernabe.
23 Nang dumating siya roon at makita ang pagpapala ng Diyos sa kanila, siya'y nagalak at pinagpayuhan silang lahat na manatiling tapat sa Panginoon nang buong puso.
24 Mabuting tao si Bernabe, puspos ng Espiritu Santo at ng pananampalataya sa Diyos. At marami pang tao ang sumampalataya sa Panginoon.
25 Nagpunta si Bernabe sa Tarso upang hanapin si Saulo,
26 at nang kanyang matagpuan ay isinama niya ito sa Antioquia. Isang taon silang nanatili roon na kasa-kasama ng iglesya, at nagtuturo sa maraming tao. Doon sa Antioquia unang tinawag na Cristiano ang mga tagasunod ni Jesus.
27 Nang panahong iyon, dumating sa Antioquia ang ilang propeta mula sa Jerusalem.
28 Tumayo ang isa sa kanila na ang pangala'y Agabo, at sa kapangyarihan ng Espiritu ay nagpahayag na magkakaroon ng matinding taggutom sa buong daigdig. Nangyari nga iyon noong kapanahunan ni Emperador Claudio.
29 Napagpasyahan ng mga mananampalataya na magpadala ng tulong sa mga kapatid na naninirahan sa Judea, ayon sa kakayanan ng bawat isa.
30 Ganoon nga ang ginawa nila; ipinadala nila ang kanilang tulong sa mga namumuno sa iglesya sa pamamagitan nina Bernabe at Saulo.