1 Sinabi ni Agripa kay Pablo, “Maaari ka nang magsalita; ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?”Nagbigay-galang si Pablo at nagsalita bilang pagtatanggol sa sarili.
2 “Haring Agripa, itinuturing ko pong isang malaking kapalaran na marinig ninyo ang pagtatanggol ko sa aking sarili laban sa mga paratang ng mga Judio
3 sapagkat lubos ninyong nababatid ang mga kaugalian at pagtatalo ng mga Judio. Kaya't hinihiling ko pong pagtiyagaan ninyo akong pakinggan.
4 “Alam ng lahat ng Judio kung paano ako namuhay mula pa sa aking kamusmusan sa aking sariling bayan at sa Jerusalem.
5 Matagal na nilang alam, at sila na ang makakapagpatotoo kung kanilang gugustuhin, na ako'y namuhay bilang kaanib ng pinakamahigpit na sekta ng aming relihiyon, ang sekta ng mga Pariseo.
6 At ngayo'y nililitis ako dahil sa aking pag-asa sa pangako ng Diyos sa aming mga ninuno.
7 Ang pangako ring iyan ang inaasahan ng aming labindalawang lipi kaya't sila'y taimtim na sumasamba sa Diyos gabi't araw. At dahil sa pag-asa ring ito, Haring Agripa, ako'y pinaparatangan ng mga Judio!
8 Bakit hindi mapaniwalaan ng mga naririto na maaaring muling buhayin ng Diyos ang mga patay?
9 “Akala ko rin noong una'y dapat kong gawin ang lahat ng aking magagawa laban sa pangalan ni Jesus na taga-Nazaret.
10 At ganoon nga ang ginawa ko sa Jerusalem. Maraming Cristiano ang aking ipinabilanggo batay sa kapangyarihang ibinigay sa akin ng mga punong pari ng mga Judio. Isa rin ako sa mga humatol ng kamatayan sa kanila.
11 Pinupuntahan ko ang bawat sinagoga, at sinuman sa kanila ang abutan ko roon ay pinaparusahan ko upang piliting magsalita laban kay Jesus. Sa tindi ng poot ko'y pinag-uusig ko sila kahit sa mga lunsod sa ibang bansa.”
12-13 “Mahal na haring Agripa, iyan ang layunin ng pagpunta ko sa Damasco, taglay ang kapangyarihan at pahintulot ng mga punong pari. Nang katanghaliang-tapat, habang kami'y naglalakbay, nakita ko, Haring Agripa, ang isang nakakasilaw na liwanag mula sa langit, ito'y maliwanag pa kaysa sa araw. Totoong nakakasilaw ang liwanag sa paligid naming magkakasama.
14 Kaming lahat ay natumba sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsabi sa akin sa wikang Hebreo, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig? Ikaw na rin ang masasaktan sa ginagawa mong iyan. Para kang sumisipa sa talim.’
15 At itinanong ko, ‘Sino po kayo, Panginoon?’ At kanyang sinabi, ‘Ako'y si Jesus na iyong pinag-uusig.
16 Tumayo ka! Nagpakita ako sa iyo upang ikaw ay isugo, upang magpatotoo tungkol sa nakita mo ngayon at sa mga ipapakita ko pa sa iyo.
17 Ililigtas kita mula sa mga kababayan mo at sa mga Hentil na pupuntahan mo sa pangalan ko.
18 Isusugo kita sa mga taong iyon upang imulat ang kanilang mga mata, ibalik sila sa kaliwanagan mula sa kadiliman, iligtas sila sa kapangyarihan ni Satanas at ibalik sa Diyos. At sa pamamagitan ng pananampalataya nila sa akin, sila'y patatawarin sa kanilang mga kasalanan at sila'y mapapabilang sa mga taong pinaging-banal ng Diyos.’
19 “Dahil dito, Haring Agripa, hindi ko po sinuway ang pangitaing mula sa langit.
20 Nangaral ako, una sa Damasco, saka sa Jerusalem at sa buong lupain ng Judea, at gayundin sa mga Hentil. Ipinangaral kong dapat silang magsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan, lumapit sa Diyos, at ipakita ang kanilang pagsisisi sa pamamagitan ng mga gawa.
21 Dahil dito'y hinuli ako ng mga Judio habang ako'y nasa Templo, at nais nila akong patayin.
22 Ngunit hindi ako pinabayaan ng Diyos, kaya't ngayon nakatayo ako rito at nagpapatotoo tungkol sa kanya sa lahat ng tao, anuman ang katayuan nila sa buhay. Wala akong itinuturo kundi ang mga sinabi ng mga propeta at ni Moises,
23 na ang Cristo ay kailangang magdusa, at siya ang unang mabubuhay na muli upang magdulot ng liwanag sa mga Judio at sa mga Hentil.”
24 Habang nagsasalita pa si Pablo, malakas na sinabi ni Festo, “Nababaliw ka na, Pablo! Sa kaaaral mo'y nasira na ang iyong ulo.”
25 Ngunit sumagot si Pablo, “Hindi ako nababaliw, Kagalang-galang na Festo! Malinaw ang isip ko at ang sinasabi ko'y pawang katotohanan.
26 Naririto ang Haring Agripa. Malakas ang loob kong magsalita sa harap niya sapagkat alam niya ang lahat ng ito. Tiyak na walang nalilingid sa kanya sapagkat hindi sa isang sulok lamang nangyari ito.
27 Haring Agripa, naniniwala ba kayo sa mga propeta? Alam kong naniniwala kayo!”
28 Sinabi ni Agripa kay Pablo, “Sa loob ng ganito kaikling panahon ay ibig mo yata na maging Cristiano ako!”
29 Sumagot si Pablo, “Maging sa maikli o sa mahabang panahon, loobin nawa ng Diyos na hindi lamang kayo, kundi ang lahat ng nakakarinig sa akin ngayon ay maging kagaya ko, maliban sa mga tanikalang ito.”
30 Tumayo ang hari, ang gobernador, si Bernice, at lahat ng kasama nila.
31 Lumabas sila at nag-usap-usap, “Ang taong ito'y walang ginawang anumang dapat hatulan ng kamatayan o pagkabilanggo.”
32 At sinabi pa ni Agripa kay Festo, “Kung hindi lamang niya hiniling na idulog ang kanyang kaso sa Emperador, maaari na sana siyang palayain.”