1 “Mga magulang at mga kapatid, pakinggan ninyo ang sasabihin ko ngayon bilang pagtatanggol sa aking sarili.”
2 Nang siya'y marinig nilang nagsasalita sa wikang Hebreo, lalo silang tumahimik. Kaya't nagpatuloy si Pablo,
3 “Ako'y isang Judiong ipinanganak sa Tarso, sa lalawigan ng Cilicia, ngunit lumaki rito sa Jerusalem. Ang aking guro ay si Gamaliel at buong higpit niya akong tinuruan sa Kautusan ng ating mga ninuno. Ako'y masugid na naglilingkod sa Diyos tulad ninyong lahat na naririto ngayon.
4 Inusig ko at ipinapatay ang mga sumusunod sa Daang ito. Ipinagapos ko sila't ipinabilanggo, maging lalaki o maging babae.
5 Makakapagpatotoo tungkol dito ang pinakapunong pari at ang buong kapulungan ng mga pinuno ng bayan. Binigyan pa nga nila ako ng mga sulat para sa mga Judio sa Damasco, kaya't pumunta ako roon upang dakpin ang mga kaanib ng Daang ito at dalhin sila dito sa Jerusalem upang parusahan.”
6 “Magtatanghaling-tapat noon, at malapit na ako sa Damasco nang may biglang kumislap sa aking paligid na isang matinding liwanag mula sa langit.
7 Napasubasob ako sa lupa at narinig ko ang isang tinig na nagsalita sa akin, ‘Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig?’
8 Ako'y sumagot, ‘Sino po kayo, Panginoon?’ ‘Ako ang iyong pinag-uusig na si Jesus na taga-Nazaret,’ tugon ng tinig.
9 Nakita ng mga kasama ko ang liwanag, ngunit hindi nila narinig ang tinig na nagsasalita sa akin.
10 ‘Ano po ang gagawin ko, Panginoon?’ tanong ko. At tumugon siyang muli, ‘Tumayo ka at pumunta sa Damasco. Sasabihin sa iyo roon ang lahat ng itinakda na dapat mong gawin.’
11 Nabulag ako dahil sa matinding liwanag na iyon, kaya't ako'y inakay na lamang ng mga kasama ko papunta sa Damasco.
12 “Doon ay nakatira si Ananias. Siya ay tapat na sumusunod sa Kautusan at iginagalang ng mga Judiong naninirahan doon.
13 Pinuntahan niya ako, tumayo sa tabi ko at sinabi sa akin, ‘Kapatid na Saulo, makakakita ka nang muli.’ Noon di'y nakakita akong muli at tumingin ako sa kanya,
14 at sinabi niya sa akin, ‘Pinili ka ng Diyos ng ating mga ninuno upang malaman mo ang kanyang kalooban, makita ang kanyang Banal na Lingkod at marinig ang kanyang tinig.
15 Sapagkat ikaw ay magiging saksi niya upang patotohanan sa lahat ng tao ang iyong nakita at narinig.
16 At ngayon, ano pang hinihintay mo? Tumayo ka na, magpabautismo at manalangin ka sa kanyang pangalan upang mapatawad ka sa iyong mga kasalanan.’”
17 “Nagbalik ako rito sa Jerusalem, at habang ako'y nananalangin sa Templo, nagkaroon ako ng isang pangitain.
18 Nakita ko ang Panginoon na nagsasalita sa akin, ‘Madali ka! Lisanin mo agad ang Jerusalem sapagkat hindi tatanggapin ng mga tao rito ang iyong patotoo tungkol sa akin.’
19 Sabi ko naman, ‘Panginoon, alam na alam nilang isa-isa kong pinuntahan ang mga sinagoga upang ipabilanggo at ipahagupit ang mga nananalig sa iyo.
20 At nang patayin si Esteban na iyong saksi, ako ay naroon at sumang-ayon pa sa ginawa nila, ako pa nga ang nagbantay sa mga damit ng mga pumatay sa kanya.’
21 Ngunit sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Humayo ka, sapagkat isusugo kita sa malayo, sa mga Hentil.’”
22 Hanggang sa mga sandaling iyon, ang mga tao'y nakikinig kay Pablo. Ngunit pagkarinig sa huli niyang sinabi, sila'y nagsigawan, “Patayin ang taong iyan! Hindi siya dapat mabuhay!”
23 Patuloy sila sa pagsigaw, sa pagsaboy ng alikabok sa hangin at sa paghahagis ng kanilang mga balabal.
24 Kaya't iniutos ng pinuno ng mga sundalo na dalhin si Pablo sa himpilan at hagupitin upang malaman kung bakit ganoon na lamang ang sigawan ng mga Judio laban sa kanya.
25 Ngunit nang siya'y magapos na nila ng panaling balat, sinabi ni Pablo sa kapitang naroon, “Ipinapahintulot ba ng batas na hagupitin ang isang mamamayang Romano kahit wala pang hatol ang hukuman?”
26 Nang marinig ito ng kapitan, pumunta siya sa pinuno at sinabi, “Paano ito? Mamamayang Romano pala ang taong iyon!”
27 Kaya't lumapit kay Pablo ang pinuno ng mga sundalo at siya'y tinanong, “Ikaw nga ba'y Romano?”“Oo,” sagot niya.
28 Sinabi ng pinuno, “Malaki ang nagugol ko para maging mamamayang Romano.”“Ngunit ako'y isinilang na mamamayang Romano,” sabi naman ni Pablo.
29 Kaagad lumayo ang mga magsisiyasat sa kanya. Natakot din ang pinuno ng mga sundalo sapagkat ipinagapos niya si Pablo, gayong ito pala ay isang Romano.
30 Nais matiyak ng pinuno kung ano nga ang paratang ng mga Judio laban kay Pablo. Kaya't kinabukasan, ipinatawag niya sa isang pulong ang mga punong pari at ang buong Sanedrin. Pinakalagan naman niya si Pablo at iniharap sa kanila.