1 Tumingin si Pablo sa kanila, at sinabi, “Mga kapatid, namumuhay akong malinis ang budhi sa harap ng Diyos hanggang sa araw na ito.”
2 Pagkarinig nito'y iniutos ng pinakapunong pari na si Ananias sa mga taong nakatayo sa tabi ni Pablo na sampalin ito sa bibig.
3 Sinabi ni Pablo, “Hahampasin ka ng Diyos, ikaw na mapagkunwari! Nakaluklok ka riyan upang hatulan ako ayon sa Kautusan, ngunit labag sa Kautusan ang ipasampal mo ako.”
4 Sinabi ng mga nakatayo roon, “Nilalapastangan mo ang pinakapunong pari ng Diyos!”
5 Sumagot si Pablo, “Mga kapatid, hindi ko alam na siya pala ang pinakapunong pari. Sapagkat nasusulat nga, ‘Huwag kang magsalita ng masama laban sa pinuno ng iyong bayan.’”
6 Nalaman ni Pablo na doo'y may mga Saduseo at Pariseo, kaya't sinabi niya nang malakas sa Sanedrin, “Mga kapatid, ako'y Pariseo, at anak ng mga Pariseo, at dahil sa pag-asa kong muling mabubuhay ang mga patay kaya ako'y nililitis ngayon.”
7 Nang masabi ito ni Pablo, nagtalu-talo ang mga Pariseo at ang mga Saduseo, at nahati ang kapulungan.
8 Sapagkat naniniwala ang mga Saduseo na hindi na muling mabubuhay ang mga patay at walang anghel o espiritu. Subalit ang mga Pariseo nama'y naniniwala sa lahat ng ito.
9 At lumakas ang kanilang sigawan. Tumayo ang ilan sa mga tagapagturo ng Kautusan na kapanig ng mga Pariseo at malakas na tumutol, “Wala kaming makitang pagkakasala sa taong ito. Anong malay natin, baka nga kinausap siya ng isang espiritu o isang anghel!”
10 Naging mainitan na ang kanilang pagtatalo, at natakot ang pinuno ng mga sundalo na baka bugbugin nila si Pablo. Pinapanaog niya ang mga kawal, ipinakuha si Pablo at ipinapasok muli sa himpilan.
11 Kinagabihan, nagpakita ang Panginoon kay Pablo at sinabi sa kanya, “Lakasan mo ang iyong loob! Nagpatotoo ka tungkol sa akin dito sa Jerusalem; ganyan din ang gagawin mo sa Roma.”
12 Kinaumagahan, matapos na magkasundo ang mga Judio, bawat isa ay sumumpa na hindi kakain o iinom hangga't hindi nila napapatay si Pablo.
13 Mahigit na apatnapung lalaki ang nanumpa ng ganoon.
14 Pumunta sila sa mga punong pari at sa mga pinuno ng bayan, at sinabi nila, “Kami ay sumumpang hindi kakain at hindi iinom hangga't hindi namin napapatay si Pablo.
15 Kaya, hilingin ninyo at ng Sanedrin sa pinuno ng mga sundalo na dalhin muli rito si Pablo. Idahilan ninyong sisiyasatin ninyong mabuti ang kanyang kaso. At sa daan pa lamang ay papatayin na namin siya.”
16 Ang balak na ito'y nalaman ng pamangkin ni Pablo na anak ng kanyang kapatid na babae. Kaya't ipinasabi niya ito kay Pablo.
17 Tinawag naman ni Pablo ang isa sa mga kapitan at sinabi, “Samahan nga po ninyo ang binatilyong ito sa inyong pinuno sapagkat mayroon siyang gustong sabihin.”
18 Sinamahan nga ng kapitan ang binatilyo sa pinuno ng mga sundalo. Sinabi niya, “Tinawag po ako ng bilanggong si Pablo at pinasasamahan sa inyo ang binatilyong ito, sapagkat may sasabihin daw siya sa inyo.”
19 Hinawakan ng pinuno sa kamay ang binatilyo, dinala sa isang tabi at tinanong, “Ano ba ang sasabihin mo sa akin?”
20 Sumagot siya, “Pinagkasunduan po ng mga Judio na hilingin sa inyong iharap si Pablo sa Sanedrin bukas at kunwari'y sisiyasating mabuti.
21 Ngunit huwag po kayong maniniwala. Tatambangan po siya ng mahigit na apatnapung katao na nanumpang hindi kakain o iinom hangga't hindi nila napapatay si Pablo. Handang-handa na po sila ngayon at pasya na lamang ninyo ang hinihintay.”
22 “Huwag mong sasabihin kaninumang ipinaalam mo ito sa akin,” sabi ng pinuno ng mga sundalo. At pinauwi na niya ang binatilyo.
23 Ang pinuno ay tumawag ng dalawang kapitan at sinabi sa mga ito, “Maghanda kayo ng dalawandaang kawal, pasamahan ng pitumpung kabayuhan at dalawandaang maninibat upang magtungo sa Cesarea ngayong alas nuwebe ng gabi.
24 Maghanda rin kayo ng mga kabayong sasakyan ni Pablo at ihatid ninyo siya kay Gobernador Felix. Ingatan ninyo siyang mabuti!”
25 At lumiham siya ng ganito,
26 “Sa Kagalang-galang na Gobernador Felix, mula kay Claudio Lisias, kumusta ka!
27 Ang lalaking ito'y hinuli ng mga Judio at papatayin na sana. Nalaman kong siya'y isang mamamayang Romano, kaya't nagsama ako ng mga kawal at iniligtas siya.
28 Sa hangad kong malaman kung ano ang sakdal laban sa kanya, pinaharap ko siya sa Sanedrin.
29 Nalaman kong ang paratang sa kanya'y tungkol sa ilang usaping may kinalaman sa kanilang kautusan, at hindi sapat na dahilan upang siya'y ipapatay o ipabilanggo.
30 Nalaman ko ring siya'y pinagtatangkaang patayin ng mga Judio, kaya't agad ko siyang ipinadala sa inyo. Sinabi ko sa mga taong nagsasakdal na sa inyo sila magharap ng reklamo laban sa kanya.”
31 Sinunod nga ng mga kawal ang utos sa kanila. Kinagabiha'y kinuha nila si Pablo at dinala sa Antipatris.
32 Kinabukasan, nagbalik na sa himpilan ang mga kawal, ngunit nagpatuloy ng paglalakbay ang mga kabayuhan upang ingatan si Pablo.
33 Pagdating sa Cesarea iniharap nila si Pablo sa gobernador at ibinigay ang sulat na dala nila.
34 Pagkabasa sa sulat, tinanong ng gobernador si Pablo kung tagasaan siya. At nang malamang siya'y taga-Cilicia,
35 kanyang sinabi, “Diringgin ko ang kaso mo pagdating ng mga nagsasakdal sa iyo.” At pinabantayan niya si Pablo sa palasyo ni Herodes.