Mga Gawa 3 MBB05

Pinagaling ang Isang Lumpo

1 Minsan, nagpunta sina Pedro at Juan sa Templo; alas tres ng hapon noon, ang oras ng pananalangin.

2 Sa pintuan ng Templo na tinatawag na Pintuang Maganda ay may isang lalaking lumpo mula pa nang ito'y isilang. Dinadala ito sa Templo araw-araw upang mamalimos sa mga taong pumapasok doon.

3 Nang makita nito sina Pedro at Juan na papasok sa Templo, siya'y humingi ng limos.

4 Tinitigan siya ng dalawa, at sinabi ni Pedro sa kanya, “Tingnan mo kami!”

5 Tumingin nga siya sa kanila sa pag-asang siya'y lilimusan.

6 Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak o ginto, ngunit may iba akong ibibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret, tumayo ka at lumakad.”

7 Hinawakan niya sa kanang kamay ang lumpo at itinayo. Noon di'y lumakas ang mga paa at bukung-bukong ng lalaki;

8 palukso itong tumayo at nagsimulang lumakad. Pumasok siya sa Templong kasama nila habang naglalakad, at lumulundag na nagpupuri sa Diyos.

9 Nakita ito ng lahat,

10 at nang makilala nilang siya ang pulubing dati'y nakaupong namamalimos sa Pintuang Maganda ng Templo, namangha sila at nagtaka sa nangyari sa kanya.

Ang Sermon ni Pedro sa Portiko ni Solomon

11 Nakahawak pa siya kina Pedro at Juan sa lugar na tinatawag na Portiko ni Solomon, nang patakbong lumapit sa kanila ang mga taong takang-taka sa nangyari.

12 Kaya't sinabi ni Pedro sa mga tao, “Mga Israelita, bakit kayo nagtataka sa nangyaring ito? Bakit ninyo kami tinitingnan nang ganyan? Akala ba ninyo'y napalakad namin siya dahil sa sarili naming kapangyarihan o kabanalan?

13 Pinarangalan ng Diyos ng ating mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob ang kanyang Lingkod na si Jesus na isinakdal ninyo at itinakwil sa harap ni Pilato, gayong ipinasya na ni Pilatong palayain siya.

14 Itinakwil ninyo ang Banal at Matuwid, at hiniling na palayain ang isang mamamatay-tao.

15 Pinatay ninyo ang Pinagmumulan ng buhay, ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos, at saksi kami sa pangyayaring iyon.

16 Ang kapangyarihan ng pangalan ni Jesus ang nagpagaling sa lalaking ito; nangyari ito dahil sa pananalig sa kanyang pangalan. Ang pananalig kay Jesus ang lubusang nagpagaling sa kanya, tulad ng inyong nakikita.

17 “Mga kapatid, alam kong hindi ninyo nalalaman ang inyong ginawa, gayundin ang inyong mga pinuno.

18 Ngunit sa ginawa ninyo'y natupad ang matagal nang ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta na ang Cristo ay kailangang magtiis ng hirap.

19 Kaya nga, magsisi kayo at magbalik-loob sa Diyos upang patawarin kayo sa inyong mga kasalanan,

20 at nang sa gayon ay sumapit na ang panahon ng kapahingahang mula sa Panginoon. Susuguin niya si Jesus, ang Cristong hinirang mula pa noong una para sa inyo.

21 Siya'y dapat munang manatili sa langit hanggang sa dumating ang pagbabago ng lahat ng bagay, ayon sa ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta mula pa noong una.

22 Sapagkat sinabi ni Moises, ‘Mula sa inyo, ang Panginoon ninyong Diyos ay pipili para sa inyo ng isang propetang katulad ko. Sundin ninyo ang lahat ng kanyang sasabihin sa inyo.

23 Ang sinumang hindi sumunod sa propetang iyon ay ihihiwalay sa bayan ng Diyos at lilipulin.’

24 Ang lahat ng propeta, mula kay Samuel at lahat ng sumunod sa kanya, ay nagpahayag din tungkol sa panahong iyon.

25 Ang mga pangako ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta ay para sa inyo, at kasama kayo sa kasunduan na ginawa ng Diyos at ng inyong mga ninuno nang kanyang sabihin kay Abraham, ‘Pagpapalain ko ang lahat ng angkan sa daigdig sa pamamagitan ng iyong lahi.’

26 Kaya't matapos buhayin ng Diyos ang kanyang Lingkod, sa inyo siya unang isinugo upang pagpalain at tulungan kayong tumalikod sa inyong masasamang pamumuhay.”

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28