1 Dumaan sina Pablo at Silas sa Amfipolis at Apolonia, hanggang sa makarating sa Tesalonica. Sa lunsod na ito'y may sinagoga ang mga Judio,
2 at ayon sa kinaugalian ni Pablo, siya'y pumasok doon. Sa loob ng tatlong linggo, tuwing Araw ng Pamamahinga, siya ay nakikipagpaliwanagan sa kanila tungkol sa Kasulatan.
3 Ipinaliwanag niya at pinatunayan na kinakailangang magtiis ang Cristo at muling mabuhay. Sinabi niya, “Ang Jesus na ito, na ipinapahayag ko sa inyo, ay ang Cristo!”
4 Naniwala at nahikayat na sumama kina Pablo at Silas ang ilan sa kanila, gayundin ang maraming kababaihang kinikilala sa lunsod, at ang napakaraming debotong Griego.
5 Ngunit nainggit ang mga Judio, kaya't tinipon nila ang mga palaboy sa lansangan at sila'y gumawa ng gulo sa lunsod. Nilusob nila ang bahay ni Jason at pilit na hinanap sina Pablo at Silas upang iharap sa bayan.
6 Nang hindi nila matagpuan ang dalawa, kinaladkad nila si Jason at ilan sa mga kapatid at iniharap sa mga pinuno ng lunsod. Ganito ang kanilang sigaw: “Ang ating lunsod ay napasok ng mga taong nanggugulo kahit saan makarating,
7 at sila'y pinatuloy ni Jason. Nilabag nilang lahat ang mga batas ng Emperador. Sinasabi nilang may iba pang hari na ang pangala'y Jesus.”
8 Kaya't nagulo ang taong-bayan at ang mga pinuno ng lunsod dahil sa sigawang ito.
9 Si Jason at ang kanyang mga kasama'y pinagpyansa ng mga pinuno bago pinalaya.
10 Nang gabi ring iyon ay pinapunta ng mga kapatid sina Pablo at Silas sa Berea. Pagdating doon, sila'y pumasok sa sinagoga ng mga Judio.
11 Mas bukás ang isipan ng mga Judiong tagaroon kaysa sa mga Judiong taga-Tesalonica. Wiling-wili silang nakikinig sa mga paliwanag ni Pablo, at sinasaliksik nila araw-araw ang mga Kasulatan upang tingnan kung totoo nga ang sinasabi niya.
12 Sumampalataya ang maraming Judio roon, gayundin ang mga Griego, pawang mga lalaki at mga babaing kilala sa lipunan.
13 Subalit nang mabalitaan ng mga Judio sa Tesalonica na ipinapangaral din ni Pablo sa Berea ang salita ng Diyos, sila'y nagpunta roon at sinulsulan ang taong-bayan upang gumawa ng gulo.
14 Kaya't si Pablo'y dali-daling pinaalis ng mga kapatid at pinapunta sa tabing-dagat. Ngunit naiwan sina Silas at Timoteo.
15 Ang mga naghatid kay Pablo ay sumama sa kanya hanggang sa Atenas. Pagkatapos, nagbalik sila sa Berea taglay ang bilin ni Pablo kina Silas at Timoteo na sumunod sa kanya sa lalong madaling panahon.
16 Habang sina Silas at Timoteo'y hinihintay ni Pablo sa Atenas, napansin niyang puno ng mga diyus-diyosan ang lunsod. Labis niyang ikinalungkot iyon
17 kaya't nakipagpaliwanagan siya sa loob ng mga sinagoga roon, sa mga Judio at sa mga debotong tao, at sa sinumang makatagpo niya sa liwasang-bayan araw-araw.
18 Subalit nakipagtalo sa kanya ang ilang pilosopong Epicureo at Estoico. “Ano ba ang sinasabi sa atin ng nagmamarunong na iyan?” sabi ng ilan. Sabi naman ng iba, “Nangangaral yata tungkol sa ibang mga diyos.” Sinabi nila iyon dahil nangangaral si Pablo tungkol kay Jesus at sa muling pagkabuhay.
19 Siya'y isinama nila at iniharap sa kapulungan ng Areopago at tinanong, “Maaari bang malaman namin kung ano itong bagong aral na itinuturo mo?
20 Bago sa aming pandinig ang sinasabi mo, kaya't nais naming malaman ang kahulugan nito.”
21 Sapagkat walang ginagawa ang mga taga-Atenas at mga dayuhang naninirahan doon kundi ang mag-usap-usap at makinig tungkol sa mga bagong turo.
22 Tumayo si Pablo sa harap ng kapulungan ng Areopago at nagsalita, “Mga taga-Atenas, napapansin kong kayo'y lubos na napaka-relihiyoso sa maraming bagay.
23 Sapagkat sa paglalakad ko sa lunsod at pagmamasid sa inyong mga sinasamba, nakakita ako ng isang dambana na may nakasulat, ‘Sa Diyos na hindi nakikilala.’ Ang Diyos na inyong sinasamba kahit hindi ninyo nakikilala ay siya kong ipinapahayag sa inyo.
24 Siya ang gumawa ng sanlibutan at lahat ng naririto, siya ang Panginoon ng langit at ng lupa. Hindi siya nananahan sa mga templong ginawa ng tao.
25 Hindi rin siya nangangailangan ng anumang tulong o paglilingkod ng tao; sa halip, siya ang nagbibigay ng buhay, hininga at lahat ng bagay sa sangkatauhan.
26 Mula sa isang tao'y nilikha niya ang lahat ng lahi sa buong mundo. Itinakda niya sa simula't simula pa ang kani-kanilang panahon at hangganan.
27 Ginawa niya iyon upang hanapin nila ang Diyos; baka sakaling sa kanilang paghahanap, siya ay matagpuan nila. Ang totoo, hindi naman siya talagang malayo sa bawat isa sa atin;
28 sapagkat,‘Hawak niya ang ating buhay, pagkilos at pagkatao.’Tulad ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata,‘Tayo nga'y mga anak niya.’
29 Sapagkat tayo'y mga anak ng Diyos, huwag nating akalaing siya ay tulad lamang ng mga larawang ginto, pilak, o bato na pawang likha ng isip at kamay ng tao.
30 Sa mga nagdaang panahon ay hindi pinansin ng Diyos ang di pagkakilala sa kanya ng mga tao, ngunit ngayon ay iniuutos niya sa lahat ng tao sa bawat lugar na magsisi't talikuran ang kanilang masamang pamumuhay.
31 Sapagkat itinakda na niya ang araw ng paghuhukom sa sanlibutan, at ito'y buong katarungan niyang gagawin sa pamamagitan ng isang tao na kanyang hinirang. Pinatunayan niya ito sa lahat nang ang taong iyon ay kanyang muling binuhay.”
32 Nang marinig nila ang sinabi ni Pablo tungkol sa muling pagkabuhay, tinuya siya ng ilan. Sinabi naman ng iba, “Nais naming mapakinggan kang muli tungkol dito.”
33 At iniwan ni Pablo ang mga tao.
34 May ilang naniwala sa kanya at nanalig sa Diyos. Kabilang dito sina Dionisio na kaanib ng kapulungang tinatawag na Areopago, isang babaing nagngangalang Damaris, at marami pang iba.