1 Nagkakatipon silang lahat sa isang lugar nang sumapit ang araw ng Pentecostes.
2 Walang anu-ano'y may ingay na nagmula sa langit, na tulad ng ugong ng malakas na hangin, at napuno nito ang bahay na kinaroroonan nila.
3 May nakita silang parang mga dilang apoy na dumapo sa bawat isa sa kanila,
4 at silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu.
5 May mga debotong Judio noon sa Jerusalem na nagmula sa bawat bansa sa buong mundo.
6 Nang marinig nila ang ugong, nagdatingan ang maraming tao. Namangha sila sapagkat nagsasalita ang mga alagad sa wika ng mga nakikinig.
7 Sa pagkamangha at pagtataka ay kanilang nasabi, “Hindi ba taga-Galilea silang lahat?
8 Bakit sila nakapagsasalita sa ating wika?
9 Tayo'y mga taga-Partia, Media, Elam, Mesopotamia, Judea at Capadocia, Ponto at Asia.
10 Mayroon pa sa ating taga-Frigia at Pamfilia, Egipto at sa mga lupain ng Libya na malapit sa bayan ng Cirene, at mga nagmula sa Roma, mga Judio at mga Hentil na naakit sa pananampalatayang Judio.
11 May mga taga-Creta at Arabia rin. Paano sila nakapagsasalita sa ating mga wika tungkol sa mga kahanga-hangang ginawa ng Diyos?”
12 Hindi nila lubusang maunawaan ang nangyari, kaya't nagtatanungan sila, “Ano ang kahulugan nito?”
13 Ngunit may ilang nagsabi nang pakutya, “Lasing lang ang mga iyan!”
14 Kaya't tumayo si Pedro, kasama ng labing-isang apostol, at nagsalita nang malakas, “Mga taga-Judea, at kayong lahat na mga panauhin sa Jerusalem, pakinggan ninyong mabuti ang sasabihin ko.
15 Hindi lasing ang mga taong ito, gaya ng palagay ninyo. Alas nuwebe pa lamang ng umaga ngayon.
16 Ang nakikita ninyo'y katuparan ng ipinahayag ni Propeta Joel,
17 ‘Ito ang gagawin ko sa mga huling araw,’ sabi ng Diyos,‘Ipagkakaloob ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao;ipahahayag ng inyong mga anak na lalaki at babae ang aking mensahe.Ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain,at ang inyong matatandang lalaki ay magkakaroon ng mga panaginip.
18 Sa panahong iyon, ibubuhos ko rin ang aking Espiritu,sa aking mga alipin, maging lalaki at maging babae,at ipahahayag nila ang aking mensahe.
19 Magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langitat mga himala sa lupa;dugo, apoy at makapal na usok.
20 Ang araw ay magdidilim,ang buwan ay pupulang parang dugo,bago dumating ang dakila at maluwalhating araw ng Panginoon.
21 At sa panahong iyon, ang lahat ng hihingi ng tulongsa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.’
22 “Mga Israelita, pakinggan ninyo ito! Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Diyos. Pinatunayan ito ng mga himala, mga kababalaghan, at mga palatandaang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat ang lahat ng ito ay naganap sa kalagitnaan ninyo.
23 Ngunit ang taong ito, na ipinagkanulo sa inyo ayon sa pasya at kaalaman ng Diyos sa mula't mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga taong masasama.
24 Subalit siya'y muling binuhay ng Diyos at hinango sa kapangyarihan ng kamatayan, sapagkat hindi siya kayang ikulong nito,
25 gaya ng sinabi ni David tungkol sa kanya,‘Alam kong kasama ko ang Panginoon sa tuwina,hindi ako matitinag sapagkat kapiling ko siya.
26 Kaya't ako'y nagdiriwang,puso at diwa'y nagagalak,gayundin naman ako'y mabubuhay nang may pag-asa.
27 Sapagkat hindi mo ako pababayaan sa daigdig ng mga patay;at hindi mo pahihintulutang mabulok ang iyong Banal na Lingkod.
28 Itinuro mo sa akin ang mga landas upang ako'y mabuhay,dahil sa ikaw ang kasama ko, ako'y mapupuno ng kagalakan.’
29 “Mga kapatid, sinasabi ko sa inyo na ang ninuno nating si David ay namatay at inilibing, at naririto ang kanyang libingan hanggang ngayon.
30 Siya'y propeta at alam niya ang pangako sa kanya ng Diyos, na magiging haring tulad niya ang isang magmumula sa kanyang angkan.
31 Kaya't ang muling pagkabuhay ng Cristo ang nakita at ipinahayag ni David nang kanyang sabihin,‘Hindi siya pinabayaan sa daigdig ng mga patay;at hindi itinulot na mabulok ang kanyang katawan.’
32 Si Jesus ay muling binuhay ng Diyos at saksi kaming lahat sa pangyayaring iyon.
33 Pinaupo siya sa kanan ng Diyos at tinanggap niya mula sa Ama ang ipinangakong Espiritu Santo. Ito ang kanyang ibinuhos sa amin, tulad ng inyong nakikita at naririnig.
34 Hindi si David ang umakyat sa langit, kundi sinabi lamang niya,‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,“Maupo ka sa kanan ko,
35 hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”’
36 “Kaya't dapat malaman ng buong Israel na itong si Jesus na ipinako ninyo sa krus ay siyang ginawa ng Diyos na Panginoon at Cristo!”
37 Nabagbag ang kanilang kalooban nang marinig ito, kaya't tinanong nila si Pedro at ang ibang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?”
38 Sumagot si Pedro, “Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang kayo'y patawarin; at ipagkakaloob sa inyo ang Espiritu Santo.
39 Sapagkat ang pangako ay para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, sa bawat taong tatawagin ng ating Panginoong Diyos.”
40 Marami pang inilahad si Pedro upang patunayan ang kanyang sinabi, at nanawagan siya sa kanila, “Iligtas ninyo ang inyong mga sarili mula sa parusang sasapitin ng masamang lahing ito.”
41 Kaya't ang mga tumanggap sa sinabi niya ay nagpabautismo, at nadagdagan ang mga alagad ng may tatlong libong katao nang araw na iyon.
42 Nanatili sila sa itinuro ng mga apostol, sa pagsasama-sama bilang magkakapatid, sa pagpipira-piraso ng tinapay, at sa pananalangin.
43 Dahil sa maraming himala at kababalaghang nagagawa sa pamamagitan ng mga apostol, naghari sa lahat ang takot.
44 Nagsasama-sama ang lahat ng sumasampalataya at ang kanilang mga ari-arian ay para sa kanilang lahat.
45 Ipinagbibili nila ang kanilang mga ari-arian at ang napagbilhan ay ipinamamahagi sa bawat isa ayon sa kanyang pangangailangan.
46 Araw-araw, sila'y nagkakatipon sa Templo, masayang nagpipira-piraso ng tinapay sa kanilang mga tahanan, at may malinis na kalooban.
47 Nagpupuri sila sa Diyos, at kinalulugdan rin sila ng lahat ng tao. At bawat araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga inililigtas.