1 Pagkatapos, umalis si Pablo sa Atenas at nagpunta sa Corinto.
2 Natagpuan niya roon si Aquila, isang Judiong taga-Ponto. Kararating pa lamang nito mula sa Italia kasama ang kanyang asawa na si Priscila. Umalis sila roon sapagkat pinalayas ni Claudio ang lahat ng Judio sa Roma. Nakipagkita sa kanila si Pablo,
3 at dahil sila'y manggagawa ng tolda tulad niya, siya ay nakitira sa kanila, at siya'y nagtrabahong kasama nila.
4 Tuwing Araw ng Pamamahinga, si Pablo ay nakikipagpaliwanagan sa mga Judio o Griego sa sinagoga at sinisikap niyang mahikayat sa pananampalataya ang lahat.
5 Nang dumating sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, iniukol na ni Pablo ang buo niyang panahon sa pangangaral at pagpapatunay sa mga Judio na si Jesus ang Cristo.
6 Nang siya'y salungatin at laitin ng mga ito, ipinagpag niya ang alikabok sa kanyang damit bilang babala sa kanila. Sinabi niya, “Kasalanan na ninyo kung kayo'y mapahamak! Hindi ko na sagutin iyon! Mula ngayo'y sa mga Hentil na ako mangangaral.”
7 Kaya't umalis siya roon at tumira sa bahay ni Ticio Justo, isang Hentil na may takot sa Diyos. Katabi ng sinagoga ang bahay nito.
8 Si Crispo, na tagapamahala ng sinagoga, at ang kanyang sambahayan ay nananalig rin sa Panginoon. Marami pang mga taga-Corinto na nakinig kay Pablo ang sumampalataya at nagpabautismo.
9 Isang gabi, sinabi ng Panginoon kay Pablo sa pamamagitan ng isang pangitain, “Huwag kang matakot! Ipagpatuloy mo ang iyong pangangaral! Anuman ang mangyari'y huwag kang titigil
10 sapagkat ako'y nasa iyo. Hindi ka maaano sapagkat marami akong tagasunod sa lunsod na ito.”
11 Tumigil nga siya roon at ipinangaral niya ang salita ng Diyos sa loob ng isang taon at kalahati.
12 Nang si Galio ay naging gobernador ng Acaya, nagsama-sama ang mga Judio sa pagdakip kay Pablo at pagdadala sa kanya sa hukuman.
13 Pagdating nila doon ay sinabi nila, “Hinihikayat ng taong ito ang mga mamamayan na sumamba sa Diyos sa isang paraang labag sa batas!”
14 Magsasalita na sana si Pablo nang sabihin ni Galio, “Kung ang usaping ito'y tungkol sa isang mabigat na pagkakasala o paglabag sa batas, makatuwirang pakinggan ko kayo.
15 Subalit ang sakdal ninyo'y tungkol lamang sa mga salita at mga pangalan, at sa kautusan ninyong mga Judio, kaya kayo na ang bahalang lumutas niyan. Ayaw kong makialam sa bagay na iyan.”
16 At sila'y pinalabas niya sa hukuman.
17 Kaya't si Sostenes na tagapamahala ng sinagoga ang sinunggaban nila at binugbog sa labas ng hukuman. Hindi naman iyon pinansin ni Galio.
18 Pagkatapos nito, matagal pang nanatili si Pablo sa Corinto at saka nagpaalam sa mga kapatid. Pagdating sa Cencrea, nagpaahit siya ng buhok sa ulo sapagkat natupad na niya ang kanyang panata. Sumakay siya sa barkong papuntang Siria, kasama ang mag-asawang Priscila at Aquila.
19 Pagdating sa Efeso, iniwan ni Pablo ang dalawa, at siya'y pumasok sa sinagoga ng mga Judio at nakipagpaliwanagan sa mga naroon.
20 Hiniling nilang tumigil siya roon nang mahaba-habang panahon, ngunit siya'y tumanggi.
21 Sa halip, sinabi niya nang siya'y magpaalam sa kanila, “Babalik ako rito, kung loloobin ng Diyos.” Umalis siya sa Efeso na nakasakay sa isang barko.
22 Pagkababa sa Cesarea, pumunta siya sa Jerusalem at bumati sa iglesya. Pagkatapos, siya'y nagtuloy sa Antioquia.
23 Tumigil siya roon nang kaunting panahon, at pagkatapos ay muling naglakbay. Pinuntahan niya ang mga bayan sa lupain ng Galacia at Frigia, at pinatatag sa pananampalataya ang mga alagad doon.
24 Dumating sa Efeso ang isang Judiong nagngangalang Apolos. Siya'y taga-Alejandria, mahusay magtalumpati at maraming alam sa Banal na Kasulatan.
25 Naturuan siya tungkol sa Daan ng Panginoon, at masigasig na nangangaral at nagtuturo nang wasto tungkol kay Jesus. Ngunit ang bautismo ni Juan lamang ang kanyang nalalaman.
26 Siya'y buong tapang na nagsasalita sa sinagoga ng mga Judio. Nang marinig ng mag-asawang Aquila at Priscila ang pagpapaliwanag ni Apolos, siya'y isinama nila sa kanilang bahay at doo'y pinaliwanagan nang mabuti tungkol sa mga bagay na hindi pa niya nalalaman tungkol sa Daan ng Diyos.
27 At nang ipasya niyang pumunta sa Acaya, sumulat sila sa mga kapatid doon upang malugod nilang tanggapin si Apolos. Pagdating doon, malaki ang naitulong niya sa mga mananampalataya dahil sa kagandahang-loob ng Diyos,
28 sapagkat walang magawâ sa kanya ang mga Judio sa kanilang pagtatalo sa harap ng madla. Sa pamamagitan ng mga Kasulatan ay pinatunayan niyang si Jesus ang Cristo.