21 Ang Magandang Balita ay ipinangaral nina Pablo at Bernabe sa Derbe, at marami silang nahikayat na maging alagad. Pagkatapos, nagbalik sila sa Listra, Iconio, at Antioquia ng Pisidia.
22 Pinalakas nila ang loob ng mga alagad at pinayuhang manatiling tapat sa pananampalataya. “Daranas muna tayo ng maraming kapighatian upang makapasok sa kaharian ng Diyos,” sabi nila sa mga alagad.
23 Sa bawat iglesya ay pumili sila ng mga matatandang mamumuno, at matapos manalangin at mag-ayuno, ang mga ito'y itinagubilin nila sa Panginoon na kanilang pinagtitiwalaan.
24 Tinahak nila ang Pisidia at nakarating sila sa Pamfilia.
25 Ipinangaral nila sa Perga ang salita ng Diyos at pagkatapos ay tumuloy sila sa Atalia.
26 Mula roon, naglayag silang pabalik sa Antioquia. Dito sila ay ipinagkatiwala sa pagkalinga ng Diyos dahil sa gawaing kanilang natapos na.
27 Pagdating sa Antioquia tinipon nila ang mga kaanib sa iglesya at isinalaysay ang lahat ng ginawa ng Diyos sa kanila, at kung paanong binuksan niya ang pintuan sa mga Hentil upang ang mga ito'y sumampalataya rin.