3 Isinugo nga sila ng iglesya at pagdaan nila sa Fenicia at Samaria, ibinalita nila roon na marami nang mga Hentil ang nahikayat sa pananampalataya. Ito nama'y labis na ikinagalak ng mga kapatid.
4 Pagdating nila sa Jerusalem, malugod silang tinanggap ng mga apostol, ng mga pinuno, at ng buong iglesya. Isinalaysay nila ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila.
5 Ngunit tumayo naman ang ilang mananampalatayang kabilang sa pangkat ng mga Pariseo at kanilang sinabi, “Kailangang tuliin at utusang tumupad sa Kautusan ni Moises ang mga Hentil na sumasampalataya.”
6 Nagpulong ang mga apostol at ang matatandang namumuno sa iglesya upang pag-aralan ang suliraning ito.
7 Pagkatapos ng mahabang pagtatalo, tumayo si Pedro at nagsalita, “Mga kapatid, nalalaman ninyo na noong mga nakaraang araw, hinirang ako ng Diyos upang mangaral ng Magandang Balita sa mga Hentil, at sila naman ay sumampalataya.
8 Ang Diyos na nakakasaliksik ng puso ang nagpatotoo na sila'y tinatanggap din niyang tulad natin nang ipagkaloob niya sa kanila ang Espiritu Santo.
9 Iisa ang pagtingin ng Diyos sa kanila at sa atin; nilinis din niya ang kanilang puso sapagkat sila'y nanalig kay Jesu-Cristo.