11 Pinupuntahan ko ang bawat sinagoga, at sinuman sa kanila ang abutan ko roon ay pinaparusahan ko upang piliting magsalita laban kay Jesus. Sa tindi ng poot ko'y pinag-uusig ko sila kahit sa mga lunsod sa ibang bansa.”
12-13 “Mahal na haring Agripa, iyan ang layunin ng pagpunta ko sa Damasco, taglay ang kapangyarihan at pahintulot ng mga punong pari. Nang katanghaliang-tapat, habang kami'y naglalakbay, nakita ko, Haring Agripa, ang isang nakakasilaw na liwanag mula sa langit, ito'y maliwanag pa kaysa sa araw. Totoong nakakasilaw ang liwanag sa paligid naming magkakasama.
14 Kaming lahat ay natumba sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsabi sa akin sa wikang Hebreo, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig? Ikaw na rin ang masasaktan sa ginagawa mong iyan. Para kang sumisipa sa talim.’
15 At itinanong ko, ‘Sino po kayo, Panginoon?’ At kanyang sinabi, ‘Ako'y si Jesus na iyong pinag-uusig.
16 Tumayo ka! Nagpakita ako sa iyo upang ikaw ay isugo, upang magpatotoo tungkol sa nakita mo ngayon at sa mga ipapakita ko pa sa iyo.
17 Ililigtas kita mula sa mga kababayan mo at sa mga Hentil na pupuntahan mo sa pangalan ko.
18 Isusugo kita sa mga taong iyon upang imulat ang kanilang mga mata, ibalik sila sa kaliwanagan mula sa kadiliman, iligtas sila sa kapangyarihan ni Satanas at ibalik sa Diyos. At sa pamamagitan ng pananampalataya nila sa akin, sila'y patatawarin sa kanilang mga kasalanan at sila'y mapapabilang sa mga taong pinaging-banal ng Diyos.’