35 At pagkasabi nito, kumuha siya ng tinapay, at sa harapan ng lahat ay nagpasalamat sa Diyos, pinagpira-piraso ang tinapay at kumain.
36 Lumakas ang loob ng lahat at sila'y kumain din.
37 Kaming lahat ay 276 katao.
38 Nang mabusog sila, itinapon nila sa dagat ang kargang trigo upang gumaan ang barko.
39 Nang mag-umaga na, nakatanaw sila ng lupa, ngunit hindi nila alam kung anong lugar iyon. Napansin nila ang isang dalampasigan, at binalak nilang igawi doon ang barko kung maaari.
40 Kaya't pinutol nila ang tali ng mga angkla at iniwanan ang mga ito sa dagat. Kinalag din nila ang mga tali ng timón at itinaas ang layag sa unahan upang ang barko'y itulak ng hangin papunta sa dalampasigan.
41 Ngunit nasadsad ang barko sa parteng mababaw. Bumaon ang unahan ng barko kaya't hindi makaalis. Samantala, ang hulihan naman ay nawasak dahil sa kahahampas ng malalakas na alon.