18 Matapos akong litisin, ako sana'y palalayain na, sapagkat wala naman akong ginawang dapat parusahan ng kamatayan.
19 Ngunit tumutol ang mga Judio kaya't napilitan akong dumulog sa Emperador. Gayunman, wala akong paratang laban sa aking mga kababayan.
20 Nakagapos ako sa kadenang ito dahil kay Jesus na siyang pag-asa ng Israel. Iyan ang dahilan kung bakit hiniling kong makausap kayo.”
21 Sagot nila, “Wala kaming natatanggap na sulat buhat sa Judea tungkol sa iyo. At sa kababayan man nating naparito ay walang nagbabalita o nagsasalita ng anuman laban sa iyo.
22 Gayunman, nais naming mapakinggan kung ano ang masasabi mo, sapagkat alam naming kahit saan ay marami ang sinasabi ng mga tao laban sa sektang ito.”
23 Kaya't nagtakda sila ng araw. Marami ngang pumunta sa tinitirhan ni Pablo pagsapit ng araw na iyon. Maghapon siyang nagpaliwanag sa kanila at nagpatotoo tungkol sa kaharian ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kautusan ni Moises at ng mga sinulat ng mga propeta, sinikap niyang papaniwalain sila kay Jesus.
24 May naniwala at mayroon din namang hindi naniwala sa kanyang sinabi.