25 Siya namang pagdating ng isang taong ganito ang sabi, “Tingnan po ninyo, ang mga lalaking ipinakulong ninyo ay naroon sa Templo at nagtuturo sa mga tao.”
26 Kaya't pumunta sa Templo ang kapitan, kasama ang kanyang mga tauhan. Isinama nila ang mga apostol, ngunit hindi sila gumamit ng dahas sa pangambang baka sila pagbabatuhin ng mga tao.
27 Iniharap nila sa Sanedrin ang mga apostol at siniyasat sila ng pinakapunong pari.
28 Sinabi niya, “Hindi ba't mahigpit namin kayong pinagbawalang mangaral sa pangalan ng Jesus na iyan? Ngunit tingnan ninyo ang inyong ginawa! Laganap na sa Jerusalem ang inyong itinuturo at nais pa ninyo kaming papanagutin sa pagkamatay ng taong iyan!”
29 Sumagot si Pedro at ang ibang mga apostol, “Sa Diyos kami dapat sumunod, at hindi sa tao.
30 Ang Diyos ng ating mga ninuno ang muling bumuhay kay Jesus na pinatay ninyo nang siya'y inyong ipapako sa krus.
31 Iniakyat siya ng Diyos sa kanyang kanan bilang Tagapanguna at Tagapagligtas, upang bigyan ang mga Israelita ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa kasalanan, at nang sa gayon ay magkamit sila ng kapatawaran.