1 Patuloy ang pagdami ng mga mananampalataya at dumating ang panahong nagreklamo ang mga Helenista laban sa mga Hebreo. Sinabi nilang ang mga biyuda sa pangkat nila ay napapabayaan sa pang-araw-araw na pamamahagi ng ikabubuhay.
2 Kaya't tinipon ng Labindalawa ang buong kapulungan ng mga mananampalataya at sinabi sa kanila, “Hindi namin dapat pabayaan ang pangangaral ng salita ng Diyos upang mangasiwa sa pamamahagi ng ikabubuhay.
3 Kaya, mga kapatid, pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking iginagalang, puspos ng Espiritu, at matatalino upang ilagay namin sila sa tungkuling ito.
4 Samantala, iuukol naman namin ang aming panahon sa pananalangin at sa pangangaral ng salita.”
5 Nalugod ang buong kapulungan sa panukalang ito, kaya't pinili nila si Esteban, isang lalaking lubusang nananampalataya sa Diyos at puspos ng Espiritu Santo, at sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at si Nicolas na taga-Antioquia, isang Hentil na nahikayat sa pananampalataya ng mga Judio.
6 Nang iharap sila sa mga apostol, sila'y ipinanalangin at pinatungan ng kamay.
7 Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at ang mga sumasampalataya ay parami nang parami sa Jerusalem. Maging sa mga paring Judio ay marami ring sumampalataya.