35 “Itinakwil nila si Moises nang kanilang sabihin, ‘Sino ang naglagay sa iyo upang maging pinuno at hukom namin?’ Ngunit ang Moises ding iyon ang isinugo ng Diyos upang mamuno at magligtas sa kanila, sa tulong ng anghel na nagpakita sa kanya sa mababang punongkahoy.
36 Sila ay hinango niya sa kanilang kahirapan sa pamamagitan ng mga himalang ginawa niya sa Egipto, sa Dagat na Pula at sa ilang, sa loob ng apatnapung taon.
37 Siya rin ang Moises na nagsabi sa mga Israelita, ‘Mula sa inyo, ang Diyos ay pipili ng isang propeta upang gawing propetang tulad ko.’
38 Siya ang kasama ng mga Israelita sa ilang. Siya ang nakipag-usap sa anghel na nagsalita sa kanya at sa ating mga ninuno sa Bundok ng Sinai. Siya ang tumanggap ng mga salitang nagbibigay-buhay mula sa Diyos upang ibigay sa atin.
39 “Ngunit hindi siya sinunod ng ating mga ninuno. Sa halip, siya'y kanilang itinakwil, at mas gusto pa nilang magbalik sa Egipto.
40 Sinabi pa nila kay Aaron, ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin, sapagkat hindi namin alam kung napaano na ang Moises na iyan na naglabas sa amin mula sa lupain ng Egipto.’
41 At gumawa nga sila ng isang diyus-diyosang kahawig ng guya. Nag-alay sila ng handog at ipinagpista ang diyus-diyosang hinugis ng kanilang kamay.