13 Itinaas nga ni Moises ang kanyang tungkod. Maghapo't magdamag na pinaihip ni Yahweh sa buong Egipto ang hangin mula sa silangan. Kinaumagahan, tangay na ng hangin ang makapal na balang
14 at ito'y dumagsa sa buong Egipto. Kailanma'y hindi nagkaroon ng ganoon karaming balang sa lupaing ito at hindi na magkakaroon pang muli.
15 Nangitim ang lupa sa dami ng balang; inubos ng mga ito ang lahat ng halaman, pati mga bunga ng kahoy na hindi nasira sa pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo. Walang halaman o punongkahoy na naiwang may dahon sa buong lupain.
16 Dali-daling ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi niya, “Nagkasala ako kay Yahweh na inyong Diyos, gayundin sa inyo.
17 Patawarin ninyo ako at ipinapakiusap kong ipanalangin ninyo kay Yahweh na alisin na sa akin ang nakamamatay na parusang ito.”
18 Iniwan ni Moises ang Faraon at siya'y nanalangin.
19 Binago naman ni Yahweh ang takbo ng hangin. Pinaihip niya ang malakas na hangin mula sa kanluran at tinangay nito ang lahat ng balang papunta sa Dagat na Pula; isa ma'y walang natira sa Egipto.