1 Yari sa akasya ang ginawa ni Bezalel na Kaban ng Tipan: 1.1 metro ang haba, 0.7 metro ang luwang, at 0.7 metro ang taas.
2 Binalot niya ng ginto ang loob at labas, at ang labi nito'y nilagyan nila ng muldurang ginto.
3 Gumawa siya ng apat na argolyang ginto at ikinabit sa apat na paa ng kaban, tigalawa sa magkabila.
4 Gumawa rin siya ng kahoy na pampasan na yari sa akasya at binalutan din niya ito ng ginto.
5 Isinuot niya ang mga ito sa mga argolya sa magkabilang gilid upang maging pasanan nito.
6 Ginawa rin niya ang Luklukan ng Awa na yari sa purong ginto. Ang haba nito'y 1.1 metro, at 0.7 metro naman ang luwang.
7 Ang magkabilang dulo nito ay iginawa niya ng dalawang kerubing yari sa purong ginto,
8 tig-isa sa magkabilang dulo. Ikinabit niya itong mabuti sa Luklukan ng Awa, kaya ito at ang mga kerubin ay naging isang piraso.
9 Magkaharap ang mga kerubin at nakatungo sa Luklukan ng Awa. Nakabuka ang kanilang mga pakpak at nakalukob dito.
10 Gumawa rin ng mesang akasya si Bezalel; 0.9 na metro ang haba nito, 0.5 metro ang lapad at 0.7 metro ang taas.
11 Binalot niya ito ng ginto at pati na ang paligid.
12 Nilagyan niya ito ng sinepa na singlapad ng isang palad at pinaligiran din ng ginto.
13 Gumawa siya ng apat na argolyang ginto at ikinabit sa apat na sulok, sa may tapat ng paa nito.
14 Ang mga argolyang pagkakabitan ng mga kahoy na pampasan ay malapit sa sinepa.
15 Iginawa rin niya ang mesa ng mga pampasan na yari sa akasya at binalutan din ng ginto.
16 Gumawa rin siya ng mga kagamitang ginto para sa mesa: mga plato, tasa, banga at mangkok para sa handog na inumin.
17 Gumawa rin siya ng ilawang yari sa purong ginto. Ang patungan at tagdan nito'y yari sa pinitpit na purong ginto. Ang mga palamuti nitong bulaklak, ang buko at mga talulot ay parang iisang piraso.
18 Mayroon itong anim na sanga, tigatlo sa magkabila.
19 Bawat sanga ay may tatlong magagandang bulaklak na parang almendra, may usbong at may talulot.
20 Ang tagdan ay may tig-apat ding bulaklak na tulad ng nasa sanga.
21 May tig-iisang usbong sa ilalim ng mga sanga, isa sa ilalim ng bawat sanga.
22 Ang mga usbong, mga sanga at ang tagdan ng ilawan ay iisang piraso na gawa sa purong ginto.
23 Ang ilawan ay iginawa niya ng pitong ilaw na may kasamang pang-ipit ng mitsa at patungan na pawang dalisay na ginto.
24 Ang nagamit sa ilawan ay tatlumpu't limang kilong purong ginto.
25 Gumawa siya ng altar na sunugan ng insenso. Ito ay yari sa punong akasya. Ito ay parisukat, 0.5 metro ang haba, gayundin ang lapad at 0.9 na metro ang taas. Ang apat na sulok nito ay nilagyan niya ng sungay na kaisang piraso ng altar.
26 Binalutan niya ang ibabaw nito ng purong ginto. Ang mga gilid at ang mga sungay ay binalot din ng ginto.
27 Gumawa siya ng dalawang argolyang ginto at ikinabit sa magkabilang gilid sa ibaba para pagsuutan ng pampasan.
28 Gumawa rin siya ng pampasan na yari sa punong akasya at ito'y binalot din ng ginto.
29 Si Bezalel din ang naghalo ng sagradong langis na pampahid at ng purong insenso at ito'y parang ginawa ng isang dalubhasa sa paggawa ng pabango.